Ezekiel
30 At ang salita ni Jehova ay patuloy na dumating sa akin, na nagsasabi: 2 “Anak ng tao, manghula ka, at sabihin mo,+ ‘Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Magpalahaw kayo, ‘Sa aba ng araw na iyon!’+ 3 sapagkat ang isang araw ay malapit na, oo, ang isang araw na nauukol kay Jehova ay malapit na.+ Iyon ay magiging isang araw na maulap,+ isang takdang panahon ng mga bansa.+ 4 At isang tabak ang tiyak na darating sa Ehipto,+ at ang matitinding kirot ay sasapit sa Etiopia kapag ang isa ay nabuwal na patay sa Ehipto at kinuha nila ang yaman nito at ang mga pundasyon nito ay giniba.+ 5 Ang Etiopia+ at ang Put+ at ang Lud at ang buong haluang pangkat+ at ang Kub at ang mga anak ng lupain ng tipan—mabubuwal silang kasama nila sa pamamagitan ng tabak.” ’+
6 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Ang mga umaalalay sa Ehipto ay mabubuwal din, at ang pagmamapuri ng lakas nito ay mábababâ.’+
“ ‘Mula sa Migdol+ hanggang sa Seyene+ ay mabubuwal sila roon sa pamamagitan nga ng tabak,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova. 7 ‘Ititiwangwang din sila sa gitna ng mga nakatiwangwang na lupain, at ang mga lunsod nito ay mapapasagitna mismo ng mga wasak na lunsod.+ 8 At kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova kapag nagpaningas ako ng apoy sa Ehipto at ang lahat ng mga katulong nito ay nawasak na.+ 9 Sa araw na iyon ay lalabas mula sa harap ko ang mga mensahero na nasa mga barko, upang panginigin ang nagtitiwala-sa-sariling Etiopia.+ At ang matitinding kirot ay sasapit sa kanila sa araw ng Ehipto, sapagkat, narito! iyon ay darating.’+
10 “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Paglalahuin ko rin ang pulutong ng Ehipto sa pamamagitan ng kamay ni Nabucodorosor na hari ng Babilonya.+ 11 Siya at ang kaniyang bayan na kasama niya, ang mga maniniil mula sa mga bansa,+ ay ipinapasok upang wasakin ang lupain. At huhugutin nila ang kanilang mga tabak laban sa Ehipto at pupunuin nila ng mga napatay ang lupain.+ 12 At gagawin kong tuyong lupa ang mga kanal ng Nilo+ at ipagbibili ko ang lupain sa kamay ng masasamang tao,+ at pangyayarihin kong ang lupain at ang kabuuan nito ay matiwangwang sa pamamagitan ng kamay ng mga taga-ibang bayan.+ Ako mismong si Jehova ang nagsalita.’+
13 “Ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Wawasakin ko rin ang mga karumal-dumal na idolo+ at paglalahuin ko mula sa Nop+ ang walang-silbing mga diyos, at hindi na magkakaroon ng pinuno mula sa lupain ng Ehipto; at maglalagay nga ako ng takot sa lupain ng Ehipto.+ 14 At dadalhin ko ang Patros+ sa pagkatiwangwang at magpapaningas ako ng apoy sa Zoan+ at maglalapat ng mga kahatulan sa No.+ 15 At ang aking pagngangalit+ ay ibubuhos ko sa Sin, ang tanggulan ng Ehipto, at lilipulin ko ang pulutong ng No.+ 16 At magpapaningas ako ng apoy sa Ehipto. Ang Sin ay walang pagsalang daranas ng matitinding kirot, at ang No ay mabibihag kapag nabuwag ito; at kung tungkol sa Nop—magkakaroon ng mga kalaban kung araw! 17 Kung tungkol sa mga kabataang lalaki ng On+ at ng Pibeset, sa pamamagitan ng tabak ay mabubuwal sila, at ang mga lunsod mismo ay yayaon sa pagkabihag. 18 At sa Tehapnehes+ ay magdidilim ang araw, kapag binali ko roon ang mga pamatok ng Ehipto.+ At paglalahuin sa kaniya ang pagmamapuri ng kaniyang lakas.+ Kung tungkol sa kaniya, mga ulap ang tatakip sa kaniya,+ at ang kaniyang mga sakop na bayan ay yayaon sa pagkabihag.+ 19 At maglalapat ako ng mga kahatulan sa Ehipto;+ at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.’ ”
20 At nangyari pa nang ikalabing-isang taon, nang unang buwan, noong ikapitong araw ng buwan, ang salita ni Jehova ay dumating sa akin, na nagsasabi: 21 “Anak ng tao, ang bisig ni Paraon na hari ng Ehipto ay babaliin ko,+ at, narito! hindi iyon tatalian sa paanuman upang bigyan ng kagalingan sa pamamagitan ng paglalagay ng benda na panali roon,+ upang iyon ay lumakas at makatangan sa tabak.”
22 “Kaya ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Narito, ako ay laban kay Paraon na hari ng Ehipto,+ at babaliin ko ang kaniyang mga bisig,+ ang malakas at ang may bali,+ at palalaglagin ko ang tabak mula sa kaniyang kamay.+ 23 At pangangalatin ko ang mga Ehipsiyo sa gitna ng mga bansa at pananabugin ko sila sa mga lupain.+ 24 At palalakasin ko ang mga bisig ng hari ng Babilonya+ at ibibigay ko ang aking tabak sa kaniyang kamay,+ at babaliin ko ang mga bisig ni Paraon, at gaya ng isang nasugatan ng ikamamatay, tiyak na daraing siya nang labis-labis sa harap niya.+ 25 At palalakasin ko ang mga bisig ng hari ng Babilonya, at ang mismong mga bisig ni Paraon ay babagsak; at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova kapag ibinigay ko ang aking tabak sa kamay ng hari ng Babilonya at iniunat nga niya iyon laban sa lupain ng Ehipto.+ 26 At pangangalatin ko ang mga Ehipsiyo sa gitna ng mga bansa+ at pananabugin ko sila sa mga lupain; at kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.’ ”