Amos
1 Ang mga salita ni Amos, na nakasama ng mga tagapag-alaga ng tupa mula sa Tekoa,+ na nakita niya sa pangitain may kinalaman sa Israel+ noong mga araw ni Uzias+ na hari ng Juda at noong mga araw ni Jeroboam+ na anak ni Joas,+ na hari ng Israel, dalawang taon bago ang lindol.+ 2 At sinabi niya:
“Si Jehova—mula sa Sion ay uungal siya,+ at mula sa Jerusalem ay ilalakas niya ang kaniyang tinig;+ at ang mga pastulan ng mga pastol ay magdadalamhati, at ang pinakataluktok ng Carmel ay matutuyo.”+
3 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘ “Dahil sa tatlong pagsalansang ng Damasco,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil sa paggiik nila sa Gilead+ sa pamamagitan nga ng mga kasangkapang panggiik na bakal. 4 At magsusugo ako ng apoy+ sa bahay ni Hazael,+ at lalamunin nito ang mga tirahang tore ni Ben-hadad.+ 5 At babaliin ko ang halang ng Damasco+ at lilipulin ko ang tumatahan mula sa Bikat-aven, at ang may-hawak ng setro mula sa Bet-eden; at ang bayan ng Sirya ay paroroon sa Kir bilang mga tapon,”+ ang sabi ni Jehova.’
6 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘ “Dahil sa tatlong pagsalansang ng Gaza,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil dinala nila sa pagkatapon ang isang buong kalipunan ng mga tapon+ upang ibigay sa Edom.+ 7 At magsusugo ako ng apoy sa pader ng Gaza,+ at lalamunin nito ang kaniyang mga tirahang tore. 8 At lilipulin ko ang tumatahan mula sa Asdod,+ at ang may-hawak ng setro mula sa Askelon;+ at ibabaling ko ang aking kamay+ laban sa Ekron,+ at ang mga nalalabi sa mga Filisteo ay masasawi,”+ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.’
9 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil sa tatlong pagsalansang ng Tiro,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil ibinigay nila sa Edom ang isang buong kalipunan ng mga tapon, at sapagkat hindi nila inalaala ang tipan ng pagkakapatiran.+ 10 At magsusugo ako ng apoy sa pader ng Tiro, at lalamunin nito ang kaniyang mga tirahang tore.’+
11 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil sa tatlong pagsalansang ng Edom,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong, dahil tinugis niya ng tabak ang kaniyang sariling kapatid,+ at sapagkat sinira niya ang kaniyang pagiging maawain,+ at ang kaniyang galit ay patuloy na nanlalapa magpakailanman; at ang kaniyang poot—pinanatili niya ito nang walang hanggan.+ 12 At magsusugo ako ng apoy sa Teman,+ at lalamunin nito ang mga tirahang tore ng Bozra.’+
13 “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘ “Dahil sa tatlong pagsalansang ng mga anak ni Ammon,+ at dahil sa apat, ay hindi ko iyon iuurong,+ dahil nilaslas nila ang mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead, sa layuning palawakin ang kanilang sariling teritoryo.+ 14 At sisilaban ko sa apoy ang pader ng Raba,+ at lalamunin nito ang kaniyang mga tirahang tore, na may babalang hudyat sa araw ng pagbabaka, na may unos sa araw ng bagyong hangin.+ 15 At ang kanilang hari ay yayaon sa pagkatapon, siya at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama,”+ ang sabi ni Jehova.’