-
Marcos 6:45-52Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
45 Pagkatapos, pinasakay niya agad sa bangka ang mga alagad niya para mauna ang mga ito sa kabilang ibayo papuntang Betsaida, at pinauwi naman niya ang mga tao.+ 46 Matapos magpaalam sa kanila, pumunta siya sa isang bundok para manalangin.+ 47 Pagsapit ng gabi, ang bangka ay nasa gitna ng lawa, pero nag-iisa siya sa bundok.+ 48 Pagkatapos, nang madaling araw na,* nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan dahil ang hangin ay pasalungat sa kanila. Kaya naglakad siya sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila; pero lalampasan niya sana sila. 49 Nang makita nila siyang naglalakad sa ibabaw ng tubig, naisip nila: “Totoo ba ito?” At napasigaw sila, 50 dahil nakita nilang lahat si Jesus at natakot sila. Pero agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ninyo ang loob ninyo! Ako ito; huwag kayong matakot.”+ 51 At sumampa siya sa bangkang sinasakyan nila, at tumigil ang hangin. Manghang-mangha sila, 52 dahil hindi nila nakuha ang aral sa ginawa niyang himala sa mga tinapay. Hindi pa rin nila naiintindihan.*
-
-
Juan 6:16-21Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
16 Nang gumabi na, ang mga alagad niya ay pumunta sa lawa,+ 17 sumakay sa bangka, at tumawid papuntang Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa rin nila kasama si Jesus.+ 18 At ang lawa ay naging maalon dahil sa malakas na hangin.+ 19 Pero nang makalayo na sila nang mga lima o anim na kilometro,* nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at papalapit sa bangka, kaya natakot sila. 20 Pero sinabi niya sa kanila: “Ako ito; huwag kayong matakot!”+ 21 Kaya pinasakay nila siya agad sa bangka, at di-nagtagal, nakarating sila sa lugar na pupuntahan nila.+
-