-
Marcos 12:13-17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
13 Pagkatapos, pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo at ang mga tagasuporta ni Herodes para hulihin siya sa pananalita niya.+ 14 Pagdating nila, sinabi nila sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? 15 Dapat ba kaming magbayad o hindi?” Nahalata niya ang pagkukunwari nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denario.”* 16 Nagdala sila ng isang denario, at sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila sa kaniya: “Kay Cesar.” 17 Kaya sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ At namangha sila sa kaniya.
-
-
Lucas 20:20-26Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
20 At pagkatapos na maobserbahan siyang mabuti, palihim silang umupa ng mga taong magkukunwaring matuwid para hulihin siya sa pananalita niya+ at maibigay sa pamahalaan at sa gobernador.* 21 Tinanong nila siya at sinabi: “Guro, alam naming tama ang sinasabi at itinuturo mo at hindi ka nagtatangi, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos: 22 Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” 23 Pero nahalata niya ang masamang balak nila, kaya sinabi niya: 24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denario.* Kaninong larawan at pangalan ang narito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” 25 Sinabi niya: “Kung gayon nga, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 26 Kaya hindi nila siya nahuli sa kaniyang pananalita sa harap ng mga tao. Sa halip, humanga sila sa sagot niya kaya napatahimik sila.
-