-
Levitico 26:3-12Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
3 “‘Kung patuloy ninyong susundin ang mga batas ko at tutuparin ang mga utos ko at isasagawa ang mga iyon,+ 4 magpapaulan ako sa tamang panahon,+ at magbibigay ng ani ang lupain,+ at mamumunga ang mga puno sa parang. 5 Ang inyong panahon ng paggiik ay aabot hanggang sa pamimitas ng ubas, at ang pamimitas ng ubas ay aabot hanggang sa panahon ng paghahasik; at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan nang panatag sa inyong lupain.+ 6 At magdadala ako ng kapayapaan sa lupain,+ at hihiga kayo at walang tatakot sa inyo;+ at aalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop, at walang gagamit ng espada para makipagdigma sa inyo. 7 Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at pababagsakin ninyo sila gamit ang espada. 8 Hahabulin ng 5 sa inyo ang 100, at hahabulin ng 100 sa inyo ang 10,000, at pababagsakin ninyo ang inyong mga kaaway gamit ang espada.+
9 “‘Pagpapalain ko kayo* at gagawing palaanakin at pararamihin,+ at tutuparin ko ang tipan ko sa inyo.+ 10 Habang kinakain pa ninyo ang ani ng nakaraang taon, kakailanganin na ninyo itong itapon dahil mayroon nang bagong ani. 11 Ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo,+ at hindi ko* kayo itatakwil. 12 Lalakad ako sa gitna ninyo at ako ay magiging Diyos ninyo,+ at kayo naman ay magiging bayan ko.+
-