-
Mateo 14:15-21Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
15 Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang mga alagad at sinabi nila: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na; paalisin mo na ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng makakain nila.”+ 16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi nila kailangang umalis; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 Sinabi nila sa kaniya: “Limang tinapay lang at dalawang isda ang mayroon tayo.” 18 Sinabi niya: “Dalhin ninyo sa akin ang mga iyon.” 19 Pagkatapos, pinaupo niya ang mga tao sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, at pagtingala sa langit, nanalangin siya.+ Matapos pagpira-pirasuhin ang mga tinapay, ibinigay niya ang mga iyon sa mga alagad, at ibinigay naman iyon ng mga alagad sa mga tao. 20 Kaya kumain silang lahat at nabusog, at nang tipunin nila ang natirang mga piraso, 12 basket ang napuno nila.+ 21 Ang kumain ay mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata.+
-
-
Marcos 6:35-44Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
35 Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at sinabi nila: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na.+ 36 Paalisin mo na sila, para makapunta sila sa kalapít na mga nayon at bayan at makabili ng makakain nila.”+ 37 Sinabi niya sa kanila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot sila: “Aalis ba kami at bibili ng tinapay na halagang 200 denario para mapakain ang mga tao?”+ 38 Sinabi niya sa kanila: “Ilan ang tinapay ninyo? Tingnan ninyo.” Matapos nilang alamin ito, sinabi nila: “Lima, at may dalawang isda.”+ 39 At ang lahat ng tao ay pinaupo niya nang grupo-grupo sa damuhan.+ 40 Kaya umupo sila nang tig-iisang daan at tiglilimampu. 41 At kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nanalangin.*+ Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao; at hinati-hati niya ang dalawang isda para sa lahat. 42 Kaya kumain silang lahat at nabusog, 43 at nakapuno sila ng 12 basket ng natirang tinapay, bukod pa sa mga isda.+ 44 Ang kumain ng tinapay ay 5,000 lalaki.
-
-
Juan 6:5-13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
5 Nang makita ni Jesus na may malaking grupo na papalapit sa kaniya, sinabi niya kay Felipe:+ “Saan tayo bibili ng tinapay para sa kanila?”+ 6 Pero sinabi lang niya ito para malaman ang nasa isip ni Felipe, dahil alam na niya ang gagawin niya. 7 Sumagot si Felipe: “Kahit tinapay na halagang 200 denario ay hindi sapat para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya, si Andres na kapatid ni Simon Pedro: 9 “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?”+
10 Sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Dahil madamo sa lugar na iyon, umupo sila roon, at may mga 5,000 lalaki sa grupong iyon.+ 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay, at pagkatapos magpasalamat, ipinamahagi niya iyon sa mga nakaupo; gayon din ang ginawa niya sa maliliit na isda, at nakakain sila hanggang sa mabusog. 12 Nang mabusog sila, sinabi niya sa mga alagad niya: “Tipunin ninyo ang mga natira para walang masayang.” 13 Kaya tinipon nila iyon, at 12 basket ang napuno ng mga natira nila mula sa limang tinapay na sebada.
-