Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • nwtsty Jonas 1:1-4:11
  • Jonas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Jonas
  • Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Jonas

JONAS

1 Ito ang salita ni Jehova na dumating kay Jonas*+ na anak ni Amitai: 2 “Pumunta ka sa Nineve+ na dakilang lunsod, at ihayag mo ang hatol dito dahil nakita kong sobra na ang kasamaan nila.”

3 Pero sinubukan ni Jonas na takasan si Jehova, at nagplano siyang pumunta ng Tarsis; pumunta siya sa Jope at nakakita ng barko na papunta sa lugar na iyon. Kaya nagbayad siya ng pamasahe at sumama sa paglalayag papuntang Tarsis para takasan si Jehova.

4 Pero nagpadala si Jehova ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng napakalakas na bagyo kaya halos mawasak ang barko. 5 Takot na takot ang mga marinero kaya humingi sila ng tulong sa kani-kanilang diyos. At inihagis nila sa dagat ang mga gamit sa barko para gumaan ito.+ Pero si Jonas ay bumaba sa kaloob-looban ng barko* at humiga roon at nakatulog nang mahimbing. 6 Nilapitan siya ng kapitan ng barko at sinabi: “Bakit ka natutulog? Bumangon ka, humingi ka ng tulong sa diyos mo! Baka sakaling maawa* sa atin ang tunay na Diyos at hindi tayo mamatay.”+

7 At sinabi nila sa isa’t isa: “Magpalabunutan tayo+ para malaman natin kung sino ang dapat sisihin sa kalamidad na ito.” Kaya nagpalabunutan sila, at ang nabunot ay kay Jonas.+ 8 Sinabi nila sa kaniya: “Pakiusap, sabihin mo kung sino ang dapat sisihin sa kalamidad na ito. Ano ang trabaho mo, at saan ka nanggaling? Ano ang iyong bansa, at anong bayan* ang pinagmulan mo?”

9 Sumagot siya: “Isa akong Hebreo, at ang sinasamba* ko ay si Jehova na Diyos ng langit, ang gumawa ng dagat at ng lupa.”*

10 Kaya lalong natakot ang mga lalaki, at sinabi nila: “Ano itong ginawa mo?” (Nalaman ng mga lalaki na tinatakasan niya si Jehova, dahil sinabi niya ito sa kanila.) 11 Kaya sinabi nila: “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para kumalma ang dagat?” Dahil lalo pang lumalakas ang bagyo sa dagat. 12 Sumagot siya: “Buhatin ninyo ako at ihagis sa dagat para kumalma ito; alam kong ako ang dahilan ng napakalakas na bagyong ito.” 13 Pero buong lakas na nagsagwan* ang mga lalaki para madala ang barko sa pampang. Gayunman, hindi nila nagawa iyon dahil palakas nang palakas ang bagyo.

14 Nakiusap sila kay Jehova: “Pakisuyo, O Jehova, huwag mo kaming hayaang mamatay dahil sa taong ito! Huwag mo kaming panagutin sa kamatayan ng inosenteng taong* ito, dahil ang lahat ng ito ay ayon sa kalooban mo, O Jehova.” 15 Pagkatapos, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat; at kumalma ang dagat. 16 Kaya ang mga lalaki ay talagang natakot kay Jehova,+ at naghandog sila kay Jehova at gumawa ng mga pangako sa kaniya.

17 Nagpadala si Jehova ng isang malaking isda para lulunin si Jonas, kaya si Jonas ay nanatili sa tiyan ng isda nang tatlong araw at tatlong gabi.+

2 At nanalangin si Jonas kay Jehova na kaniyang Diyos habang nasa loob ng tiyan ng isda.+ 2 Sinabi niya:

“Tumawag ako kay Jehova nang nasa kagipitan ako, at sinagot niya ako.+

Humingi ako ng tulong mula sa kailaliman* ng Libingan.*+

Narinig mo ang tinig ko.

 3 Nang ihagis mo ako sa kalaliman, sa pusod ng dagat,

Tinangay ako ng malalakas na agos.+

Nilamon ako ng iyong malalaking alon.+

 4 At sinabi ko, ‘Pinalayas ako sa iyong harapan!

Paano ko muling makikita ang iyong banal na templo?’

 5 Nilamon ako ng tubig at muntik na akong* mamatay;+

Lumubog ako sa malalim na katubigan.

Nakapulupot sa ulo ko ang damong-dagat.

 6 Lumubog ako hanggang sa pinakasahig ng dagat.*

At kung tungkol sa lupa, ikinulong ako ng mga halang nito magpakailanman.

Pero iniahon mo akong buháy mula sa kalaliman,* O Jehova na aking Diyos.+

 7 Nang malapit na akong mamatay, si Jehova ang naalaala ko.+

At nakarating ang panalangin ko sa iyo, sa loob ng iyong banal na templo.+

 8 Itinatakwil ng mga sumasamba sa walang-silbing mga idolo ang nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanila.*

 9 Pero ako, pupurihin kita at maghahandog ako sa iyo.

Tutuparin ko ang aking pangako.*+

Ang kaligtasan ay mula kay Jehova.”+

10 Pagkatapos, inutusan ni Jehova ang isda na iluwa si Jonas sa tuyong lupa.

3 Dumating ang salita ni Jehova kay Jonas sa ikalawang pagkakataon:+ 2 “Pumunta ka sa Nineve+ na dakilang lunsod, at ihayag mo roon ang sasabihin ko sa iyo.”

3 Kaya sumunod si Jonas sa utos ni Jehova+ at pumunta sa Nineve.+ Ang Nineve ay isang napakalaking lunsod.* Kailangan ng tatlong-araw na paglalakad para malibot ito. 4 Pagkatapos, pumasok si Jonas sa lunsod. Habang naglalakad sa loob ng isang araw, inihahayag niya:* “Apatnapung araw na lang, wawasakin* na ang Nineve.”

5 Kaya ang mga taga-Nineve ay nanampalataya sa Diyos.+ Ang bawat isa sa kanila ay nag-ayuno* at nagsuot ng telang-sako, mayaman at mahirap, bata at matanda. 6 Nang marinig ng hari ng Nineve ang mensahe, tumayo siya mula sa kaniyang trono, hinubad ang maharlikang kasuotan niya, nagsuot ng telang-sako, at umupo sa abo. 7 Naglabas din siya ng utos sa buong Nineve,

“Ito ang utos ng hari at ng kaniyang mga opisyal: Walang tao o hayop, bakahan o kawan, ang puwedeng kumain. Hindi sila dapat kumain o uminom ng anuman. 8 Magsuot sila ng telang-sako, ang tao at hayop; at marubdob silang humingi ng tulong sa Diyos, at talikuran nila ang kanilang masasamang gawain at karahasan. 9 Baka sakaling hindi na ituloy* ng tunay na Diyos ang gusto niyang gawin at humupa ang kaniyang nag-aapoy na galit, nang sa gayon ay hindi tayo mamatay.”

10 Nang makita ng tunay na Diyos ang ginawa nila, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masasamang gawain,+ hindi na niya itinuloy* ang parusang sinabi niya.+

4 Pero talagang hindi ito nagustuhan ni Jonas, at galit na galit siya. 2 Kaya nanalangin siya kay Jehova: “Jehova, hindi ba ito ang inaalala ko bago pa ako magpunta rito? Kaya nga ako tumakas papuntang Tarsis,+ dahil alam kong isa kang Diyos na mapagmalasakit* at maawain, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig,+ at hindi natutuwa sa pagpaparusa. 3 O Jehova, pakiusap, hayaan mo na akong mamatay. Mas mabuti pang mamatay na lang ako.”+

4 Sinabi ni Jehova: “Tama bang magalit ka nang ganiyan?”

5 Pagkatapos, lumabas si Jonas sa lunsod at umupo sa may silangan ng lunsod. Gumawa siya roon ng isang silungan at umupo sa may lilim nito para makita kung ano ang mangyayari sa lunsod.+ 6 At nagpatubo ang Diyos na Jehova ng halamang upo* para magbigay ng lilim kay Jonas at maginhawahan ito. Talagang natuwa si Jonas sa halamang upo.

7 Pero kinabukasan ng madaling-araw, ginamit ng tunay na Diyos ang isang uod para sirain ang halamang upo, kaya nalanta ito. 8 Nang sumikat ang araw, nagpadala rin ang Diyos ng napakainit na hangin mula sa silangan, at nabilad sa araw ang ulo ni Jonas, kaya halos himatayin siya. Paulit-ulit niyang hinihiling na mamatay na siya, at paulit-ulit niyang sinasabi, “Mas mabuti pang mamatay na lang ako.”+

9 Tinanong ng Diyos si Jonas: “Tama bang magalit ka nang ganiyan dahil sa halamang upo?”+

Sumagot siya: “Tama lang na magalit ako, at sa tindi ng galit ko, gusto ko nang mamatay.” 10 Pero sinabi ni Jehova: “Nanghihinayang ka sa halamang upo, na hindi mo pinagpaguran o pinatubo; basta lang ito tumubo isang gabi at namatay kinabukasan. 11 Pero mahigit 120,000 tao na hindi man lang nakaaalam ng kaibahan ng tama at mali* ang nasa Nineve, at marami ring hayop doon. Hindi ba ako dapat manghinayang sa dakilang lunsod na iyon?”+

Ibig sabihin, “Kalapati.”

O “barkong may kubyerta.”

O “magmalasakit.”

O “tribo; pamilya.”

Lit., “kinatatakutan.”

Lit., “tuyong lupa.”

O “Pero nagsikap nang husto.”

Lit., “dugong.”

Lit., “tiyan.”

O “Sheol.” Tingnan sa Glosari.

Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Lit., “sa pinakapaanan ng mga bundok.”

Lit., “iniahon mo ang buhay ko mula sa hukay.”

O posibleng “Tinalikuran ng mga sumasamba sa walang-silbing mga idolo ang katapatan nila.”

O “panata.”

Lit., “isang lunsod na dakila sa Diyos.”

O posibleng “Pagkatapos maglakad ng isang araw, inihayag niya.”

Lit., “pababagsakin.”

Tingnan sa Glosari, “Pag-aayuno.”

O “Baka sakaling ikalungkot.”

O “ikinalungkot niya.”

O “magandang-loob.”

O posibleng “halamang lansina.”

O “hindi nakaaalam ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kaliwa.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share