Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao ang Tawag Nila sa Akin
BUENO, ganiyan ang tawag sa akin ng marami. Sana’y sumasang-ayon ang aking pamilya. Inangkin ko ang pamilyang ito nang ako ay isang tuta na anim na linggong gulang lamang. At ngayon, sila na mismo ang maysabi, na hindi nila alam kung ano ang gagawin kung wala ako—isang damdamin na lubos kong sinasang-ayunan.
At bakit hindi? Kaming mga aso ay tapat sa aming inangking pamilya hanggang sa wakas. Hindi iyan masasabi ng tao. Hindi kami kailanman umuwi na lasing, hindi kailanman nagalit, at kahit na paluin mo kami (na hindi mo dapat gawin), isang tapik lamang sa ulo ay magpapakawag sa aming buntot at ipaaalam sa iyo na ayos na ang kaugnayan sa pagitan natin. Karaniwan nang kami ang unang sumasalubong sa iyo pagdating mo ng bahay. Kung ikaw ay nakatira sa isang maingay na kalye, makikilala namin ang tunog ng iyong kotse mula sa lahat ng ibang nagdaraan na sasakyan. Hindi ito maintindihan ng aking inangking pamilya, subalit napakadali nito para sa akin. Ni naiintindihan man nila ang aking kakayahan na makilala ang kanilang amoy mula sa lahat ng ibang mga tao na nagdaraan at sinusundan ito.
Gayunman, ang aking buhay ay hindi pawang mga rosas. Isang bagay na nakalilito sa akin ay kapag ako’y pinaparusahan. Halimbawa, kung ang pinto ng bahay ay hindi sinasadyang naiwang bukás at ako ay tatakbong palabas, kapag ito’y natuklasan na ako’y wala, ako ay galit na pinababalik. Kapag ako naman ay bumabalik ako ay pinarurusahan! Bakit ako pinarurusahan sa aking pagbabalik? Minsan ay nilundag ko ang mesa at kinain ko ang buong pakete ng karne na palaman sa tinapay. Sabihin pa, ang aking pamilya ay nagalit sa akin. “Alam mong masama iyan!” sabi nila. Hindi, hindi ko alam, subalit ngayon ay alam ko na. Naunawaan ko ngayon na ang nasa mesa ay hindi para sa akin. Gayunman, kung naghintay pa sila ng isang oras bago ako pagalitan, hindi ko mauunawaan kung bakit.
Sa aming tahanan hindi ako namimili ng edad. Ang aking debosyon at katapatan ay ipinakikita ko sa lahat ng membro ng pamilya, bata o matanda, malakas o mahina. Ito ang gumagawa sa akin na mahalaga, sang-ayon sa doktor ng mga hayop. Sabi niya: “Ang pinakamalaking problema na napapaharap sa mga matatanda na ay hindi ang pisikal na mga karamdaman, kundi ang kalungkutan at pagtakwil na nararanasan nila. Sa paglalaan ng pag-ibig at ng makakasama, ang mga alagang hayop (pati na ang mga aso) ay nagbibigay ng layunin at kahulugan sa buhay sa panahon na ang mga matatanda ay kadalasang nabubukod sa lipunan.” Ganito ang sabi kamakailan ng magasing Better Homes and Gardens: “Ang mga alagang hayop ay nakakatulong sa paggamot sa emosyonal na nababalisa; pinasisigla ang may karamdamang pisikal, ang handikap, at ang may kapansanan; at muling pinalalakas ang nalulumbay at matatanda.”
Bilang mga kasama maaari rin naming matulungan ang mga biktima ng nakamamatay na kanser na manatiling aktibo na mas matagal at maaari rin naming pahabain ang buhay ng mga biktima ng sakit sa puso. Dahilan sa nakapagpapagaling na mga epekto na dala ng aming pagiging mabuting kasama, kami nga ay naging mahalaga sa mga tahanan para sa matatanda, mga ospital, mga bilangguan, at mga paaralan. Naibaba namin sa halos sero ang dami ng pagpapatiwakal sa gitna ng mga bilanggo sa ilang mga institusyon para sa kriminal na mga baliw. Ang pagkanaroroon namin ay nagdaragdag ng kabuluhan sa kanilang buhay—isang itinalagang buhay sa gitna nila na pangangalagaan. Isang napatunayang bagay na ang aming pagkanaroroon bilang mga alagang hayop ay nakapagpapababa ng presyon ng dugo at pagkabalisa kapuwa sa mga bata at mga adulto.
Subalit bago ka umalis at bumili ng aso upang gamutin ang lahat ng iyong mga karamdaman, dapat kitang babalaan na hindi kami gumagawa ng mga himala. Wala akong nakikilalang aso na pinanganlang “Penicillin”—bagaman ang pangalang iyan ay maganda sa pandinig, hindi ba? Subalit kung ikaw ay nalulumbay at nangangailangang pasiglahin, maaaring kami ang lunas upang mawala ang iyong panlulumo.
Sa katapusan, yamang sinasabi ko ang tungkol sa aming mga kagalingan, dapat kong ipaalaala sa iyo ang madalas na mga kabayanihan ng mga aso—kung paano namin binabalaan ang aming mga amo tungkol sa sunog sa bahay, kung paano namin hinila ang mga bata mula sa nasusunog na mga gusali, kung paanong kami’y nagtutumulin sa bahay upang kunin ang ama ng isang batang naligaw sa kagubatan, kung papaano kami lumundag sa lawa upang iligtas ang nalulunod na bata. Ganiyan ang mga ipinalalabas sa pelikula; gayumpaman ito’y totoo sa amin. Walang duwag na mga aso sa isang silid na punô ng usok. Nais ka naming ilabas at iligtas ang iyong buhay.
Mangyari pa, maaari naming maiwala ang aming buhay sa pagsisikap na gawin iyon. Subalit kaming mga aso ay talagang ganiyan.