Pahina Dos
Ang Iguaçú Falls, isa sa likas na mga kababalaghan sa daigdig. Nagkakaiba-iba sa pagitan ng 200 at 270 piye ang taas, 2 1⁄2 milya ang lapad, na may 450,000 piye kubiko ng tubig sa bawat segundo na nahuhulog sa mga 275 magkakahiwalay na mga talón ng tubig, ang Iguaçú (ē-gwä-sōōʹ) ay namumuhay sa kahulugan ng pangalan nito, “malaking tubig.”
Ang Falls ay nag-aanyo ng isang hangganan sa pagitan ng Brazil at Argentina. Ang kapuwa mga bansa ay gumawa ng pambansang mga parke upang ingatan ang kagandahan nito. Eksotikong mga halaman ang malagong tumutubo dahil sa mga pag-ambon. Mga jaguar, ocelot, tapir, at mga usa ang gumagala-gala sa kagubatan. Iba’t ibang klaseng ibon ang nagbibigay-kasiyahan sa paningin. Mga ulap ng paruparo ang papaga-pagaspas sa buong paligid at kadalasang dumadapo sa mga bisita. Bahagharing nagniningning sa mga abon na nakaarko mula sa bumabagsak na tubig.
Hanggang kailan bibighaniin ng makapigil-hiningang kagandahan ng Iguaçú ang 3,000,000 taunang mga dumadalaw rito? Ngayon pa lang ay may usap-usapan na tungkol sa paggamit sa Falls upang maglaan ng kuryente. Sisirain ba ng tao ang kagandahan ng Iguaçú, gaya ng ginawa niya sa maraming bahagi ng planetang lupa? O iingatan ba niya ang kagila-gilalas na “malaking tubig” na ito upang lipusin sa tuwa at pagpipitagan ang kaniyang mga anak at ang kanilang mga anak?