Pagbebenta ng Kamatayan
Samantalang gumagasta ang daigdig ng mga tatlong trilyong dolyar bawat taon para sa armas:
800,000,000 tao ang namumuhay sa sukdulang karalitaan
770,000,000 ang walang sapat na pagkain para magtrabaho nang husto
100,000,000 ang walang tahanan
1,300,000,000 ang walang malinis na inumin
14,000,000 bata ang namamatay taun-taon dahil sa gutom
SILA ay tinawag na Mga Negosyante ng Kamatayan, Mga Sepulturero ng Sibilisasyon, Kanser ng Lipunan. Sino? Ang mga negosyante ng armas sa daigdig. Bakit?
Noong nakaraan, ang kanilang mga kawal ay nasasandatahan ng tabak, sibat, palakol, at piko ukol sa tao-sa-taong patayan sa larangan ng digmaan. Sa siglong ito, sila ay gumawa at namahagi ng baril, bomba, tangke, bapor-de-giyera, eroplano, may-lasong gas, at bala na pumatay ng milyun-milyong tao sa dalawang digmaang pandaigdig at nagwasak pa ng bilyun-bilyong dolyar ng mga materyal na kayamanan, gaya ng mga lunsod, tahanan, at iba pang ari-arian. Ginatungan nila ang mahigit na 120 digmaan mula noong Digmaang Pandaigdig II.
Patuloy pa nilang ginagatungan ang madugong mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Sinasanay nila ang mga hukbo ng Third World (Mahihirap na Bansa) sa mas mabisang paggamit ng mga sandata. Sinangkapan nila ang mga hukbong sandatahan ng daigdig ng isang bunton ng mga sandatang nuklear na makapagpapasabog sa sambahayan ng tao nang maraming beses at wawasak sa lupa upang hindi na ito matahanan. Wala na silang konsiyensiya. Ang salawikain marahil nila ay: “Kamatayan ninyo—ganansiya namin.”
Walang negosyo ang lubhang nakaapekto sa sambahayan ng tao na gaya ng pagbebenta ng armas. Maliwanag ang ebidensiya. Nakababahala ang isisiwalat sa susunod na artikulo.