“Ang Sisidlang Kalabasa ay Hindi Nabasag”
Ang dalamhati ay ipinakikita sa iba’t ibang paraan sang-ayon sa mga kaugalian at kultura ng bawat bansa at tribo. Halimbawa, ang mga taong Yoruba ng Nigeria ay may tradisyunal na paniwala sa reinkarnasyon ng kaluluwa. Kaya kapag namatayan ng isang anak ang isang ina, may matinding dalamhati sa loob ng maikling panahon. Gayunman, hindi ito itinuturing na katapusan ng mundo, sapagkat isang koro ng Yoruba ay nagsasabing: “Tubig ang natapon. Ang sisidlang kalabasa ay hindi nabasag.” Sang-ayon sa mga Yoruba, nangangahulugan ito na ang kalabasang nagdadala-ng-tubig, ang ina, ay maaaring magkaanak pa. Isa pa, sang-ayon sa kanilang paniwala, ang patay na bata ay babalik bilang isang reinkarnasyon, kaya ang anumang mahabang panlabas na pagpapakita ng dalamhati ay maaaring umantala sa muling pagkakaroon ng anak ng ina, alin sa ang kaniyang anak na reinkarnado o ibang tao na reinkarnado. Kaya, ang dalamhati ay sandali lamang at sa dakong huli’y pinipigil.
Kung isa sa kambal ang mamatay, ang ibang mga inang Yoruba ay magdadala ng inukit na imahen upang kumatawan sa patay na anak. Sa pagkain, isang pinggan ng pagkain ang isinisilbi para sa patay na bata. Kung bumibili ng damit para sa buháy na kakambal, bibili pa ng isa para sa namatay. Ang gawaing ito ay nagpapatuloy magpakailanman sa paniwalang ang paghiwalay sa paniwalang ito ay papatay sa nabubuhay na kakambal! Mangyari pa, yaong may tumpak na kaalaman sa Bibliya ay hindi naniniwala o sumusunod sa gayong mga kaugalian.