Paano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan?
Isang liham mula sa isang pulis sa Chicago, E.U.A., ang nagpapakita ng kahalagahan ng pagkaalam ng kasagutan. Siya’y sumulat:
“Noong Enero 15, 1990, ako’y nag-aasikaso ng isang 18-anyos na preso na ibinalik sa Chicago galing sa Mississippi dahil sa pagtakas sa bilangguan. Bahagi ng pag-aasikasong iyon ay ang kunin ang lahat ng ari-arian ng preso. Nasa kaniyang pag-iingat ang isang aklat, Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.
“‘Binasa mo ba ang aklat na ito?’ tanong ko.
“‘Opo,’ ang tugon niya. ‘Samantalang ako’y nagtatago sa Mississippi, ako’y nagtrabaho sa isang sakahan, at dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang nagbigay sa akin ng aklat na ito.’ Pagkatapos ay napaiyak siya, halos hindi mapigil ang kaniyang paghikbi. Sa pagitan ng mga hikbi, sinabi niya: ‘Maraming beses ko nang nabasa ang aklat na ito, at ang kabanatang paulit-ulit kong binasa ay ang “Papaano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan?”’ Isinusog niya: ‘Kung sana’y alam ko na ang impormasyong ito tatlo o apat na taon na ang lumipas, hindi sana ako naririto ngayon.’
“Ang preso ay inalis na roon, at nabasa ko ang report ng pulis at ang pagtatapat na ibinigay niya sa pulisya. Doon ay sinabi niya: ‘Ang lider ng aking gang ay nag-utos sa akin na pumaroon ako sa lansangan at barilin ang isang miyembro ng karibal na gang na nagbebenta ng cocaine sa aming teritoryo. Ginawa ko ang iniutos sa akin. Nangangamba akong baka isipin ng ibang miyembro na hindi ko kayang gawin iyon. Ibig kong ako’y tanggapin.’
“Ang 18-anyos na presong ito ay ipinagsakdal sa salang pagpatay, at kung mahahatulan, siya ay ilalagay sa death row dahil sa paggawa ng kung ano ang iniutos sa kaniya ng kaniyang mga kasamahan.”
Ang Bibliya ay nagbibigay ng maaasahang mga tuntunin at matalinong payo para sa marami sa mga problema ngayon. Kung nais mong magkaroon ng higit pang impormasyon o ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa tamang direksiyon na nakatala sa pahina 5.