“May Milyun-Milyon Nito”
MILYUN-MILYON saan? Sa Crown Mountain sa Georgia, kung saan may nasumpungang ginto. Ayon sa kuwento, ang sigaw na “May milyun-milyon nito” ay sinambit ni Dr. Stephenson, isang tagatantiya ng U.S. Mint, mula sa mga baitang ng hukuman ng Dahlonega sa Georgia, E.U.A., noong 1849. Bakit niya sinabi iyon? Nang magsimula ang pagdagsa sa paghahanap ng ginto sa California noong 1849, ang mga minero ng ginto buhat sa Dahlonega at sa kalapit na Auraria ay nag-alisan patungo sa kanluran sa paghahanap ng mas maraming ginto. Subalit ang doktor ay naniniwala na may ginto pa rin sa Georgia. Sa paano man, gaya ng binabanggit ng makasaysayang plake, “sa pagitan ng 1829 at 1839 halos $20,000,000 ginto ang namina sa Cherokee country ng Georgia.” Subalit ang pang-akit ng Kanluran ay napakalakas; pawang nagkalat na mga relikya na lamang ng dating bayan ng minahan ang natitira ngayon sa dating Auraria.
Gayundin ang nangyari sa Empire na minahan ng ginto sa Grass Valley, California. Pagkaraang mahukay ang 591 kilometrong mga tunel, na tumatagos ng uno punto seis kilometro sa ilalim ng lupa, ang minahan ay isinara noong 1957. Ito ay hindi na kapaki-pakinabang. Ngayon ang minahan ay isang makasaysayang parke ng estado.
Ang ginto ay nakaakit sa tao sa loob ng libu-libong taon. Gayunman, ang halaga nito ay artipisyal at di-makatuwiran, nagbabago ayon sa kagustuhan ng palitan ng sapi at ng internasyonal na bilihan ng ginto. Isa pa, may “ginto” na hindi kailanman nawawalan ng halaga at makukuha ng lahat ng taimtim na naghahanap nito. Ano ba ito? “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pakinabang niya ay maigi kaysa pakinabang na pilak at ang bunga niyaon kaysa ginto mismo.” (Kawikaan 3:13, 14) Oo, ang karunungan at kaunawaan, salig sa kaalaman tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang mga layunin para sa lupa, ay mas nananatili ang halaga kaysa ginto. Kung nais mong malaman ang higit pa tungkol sa Diyos ng Bibliya at sa bagong sanlibutan na ipinangako niya para sa masunuring sangkatauhan, pakisuyong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa isang Kingdom Hall na malapit sa inyo o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.—Tingnan ang mga direksiyon, sa pahina 5.
[Larawan sa pahina 32]
Isang abandonadong otel sa dating nagmimina ng ginto na bayan ng Auraria