Budhi, Bakit Mo Ako Binabagabag?
“OH DUWAG na budhi, ako’y pinahihirapan mo!” Inilalarawan ng bantog na mga salitang iyon, na binigkas ni Haring Richard III sa dula ni Shakespeare na may gayunding pamagat, ang matinding pangongonsensiya na maaaring pukawin ng budhi ng tao. Sa tunay na buhay, ginulo at binago ng budhi ang buhay ng marami.
Ang kapangyarihan ng budhi ay inilarawan ng isang kaso kamakailan ng isang kabataang Italyano. Ang kaniyang trabaho bilang isang bantay ay nagsasangkot ng paghahatid ng maraming salapi. Ang lahat ay maayos hanggang, isang araw, siya ay napadala sa tukso at ninakaw niya ang isang sako na naglalaman ng 300,000,000 lire [$185,000]. Yamang siya ay may kasamang dalawa pa sa trabaho at imposibleng matiyak kung sino sa kanila ang kumuha nito, silang tatlo ay sinesante.
Itinago niya ang ninakaw na salapi, binabalak na gamitin ito kapag humupa na ang kaguluhan tungkol sa ninakaw na salapi. Sa halip, nagsimula ang isang di-inaasahang pagpapahirap: Hindi niya makalimutan ang tungkol sa pagkakasesante ng kaniyang walang-salang mga kasama sa trabaho. Ayaw siyang patahimikin ng kaniyang budhi. Hindi siya makatulog. Hindi siya makakain. Naging mahirap siyang pakitunguhan.
Sa wakas, nadaig ng pagkadama ng pagkakasala at pagod na sa kaniyang panloob na pakikipagpunyagi, nagtungo siya sa pulisya at ibinigay niya ang ninakaw na salapi. Sinabi niya sa kanila: “Napakatindi ng pangongonsensiya. Hindi ko na ito matiis!” Sabi pa niya: “Mas mabuti pa ang makulong at nalalamang ako’y tapat kaysa malaya na may budhing bumabagabag sa iyo bilang isang magnanakaw.”
Ang budhi ay kaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Maaari ka nitong paratangan o patawarin. Kapag tayo’y nakinig dito, maaari tayong iligtas nito mula sa paggawa ng pagkakamali, hindi ipinangangatuwiran ang malubhang pagkakamali. Kaya sa halip na waling-bahala ang mga pag-udyok nito o may paghihinanakit na magreklamo laban dito na gaya ng ginawa ni Haring Richard III ni Shakespeare, dapat nating pakamahalin at ingatan ang ating budhi.—Roma 2:14, 15.
Kung nais mo ng higit pang impormasyon tungkol sa Bibliya at sa praktikal na payo nito, pakisuyong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall sa inyong lugar, o sumulat sa pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5.