Isang Araw na Bumago sa Kaniyang Buhay
ISANG nakababatang babae mula sa Arizona, E.U.A., ang nagsabi na siya ay palasimba subalit nagbago ang kaniyang palagay sa relihiyon. Sa wakas ay sinabi niya sa Diyos sa panalangin: “Hindi na ako magtutungo sa alinmang simbahan. Ako’y mamumuhay sa pinakamabuting buhay na nalalaman ko, at sisikapin kong maging isang mabuting tao.”
Ipinaliwanag ng babae kung ano ang nangyari nang maglaon: “Ang aking tiya ay tumawag sa telepono at sinabi na siya ay pupunta sa aming lugar upang dumalo sa isang araw na pantanging asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Siya’y nagtanong kung maaari bang siya at ang aking mga pinsan ay makitulog sa aming apartment. At siya’y nagtanong: ‘Gusto mo bang sumama sa amin?’ Natatandaan ko ang aking tugon: ‘Bakit hindi? Wala naman akong gagawin.’ Ang interes ko sa relihiyon ay halos patay na.
“Ako’y laging napagsasabihan na maging maingat sa mga Saksi ni Jehova. Kaya noong panahon ng asamblea, natatandaan kong ako’y totoong palamasid. Gayunman, walang misteryo tungkol sa kung ano ang sinasabi may kinalaman sa orihinal na layunin ng Diyos na magkaroon ng isang paraisong lupa at na ang layunin ng Diyos ay hindi nagbago. Naupo ako roon taglay ang masayang damdamin habang minamasdan ko ang mga pamilyang nauupong magkakasama at nagpapakita ng gayong espiritu ng pagkakaisa. Ako’y yumuko at tahimik na nagtanong sa Diyos: ‘Ito po ba ang katotohanan? Ito po ba ang hinahanap ko?’
“Nang ako’y umuwi nang araw na iyon, minasdan ko ang mga taong nagyayapusan at naghahalikan ng pamamaalam na mga nakangiti. Nakikita ko sa kanilang mga mukha na walang alinlangan sa kanilang isip o puso tungkol sa kanilang paniniwala sa kung sino si Jehova at kung ano ang ginawa niya para sa kanila. Mula nang araw na iyon, ako’y nagsimulang dumalo sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova at hindi ako huminto mula noon. Nang sumunod na araw ng pantanging asamblea, noong 1988, hayagan kong sinagisagan ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at naging bahagi ng magandang sambahayang ito.”
Kung nais mong matuto nang higit tungkol sa mga paniniwala at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova, pakisuyong makipagkita sa kanila sa kanilang lokal na Kingdom Hall, o sumulat sa direksiyon na pinakamalapit sa inyo na nakatala sa pahina 5.
[Larawan sa pahina 32]
Isang mainit na damdaming pampamilya ang lumalaganap sa malalaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng makikita rito sa Russia