Saan Tayo Patungo?
GUNIGUNIHIN na ikaw ay naglalakbay sa isang rehiyon na hindi mo pa kailanman napupuntahan. Sa ngayon ay dapat na narating mo na ang iyong patutunguhan, ngunit ang mga tanda sa lansangan, ang mga pangalan ng bayan, at mga palatandaan ay hindi yaong mga inaasahan mo. ‘Nasaan ako?’ maitatanong mo. ‘Ako ba’y patungo sa tamang daan?’
Ang daigdig sa ngayon ay nasa katulad na kalagayan. Ang tao ay nasa di-pamilyar na teritoryo habang pinagmamasdan niya ang sumásamáng lipunan sa lawak na hindi kailanman nakita noon. Taglay ang lahat ng mga pagsulong sa siyensiya at teknolohiya, wari bang sa ngayon tayo ay dapat na nasa isang mas mabuting daigdig na. Sa Great Ages of Man, ang editor na si Russell Bourne ay nagsabi na tanging sa ika-20 siglo lamang na “ang dating mithiin ng isang pangglobong kapatiran ay naging isang praktikal na posibilidad.”
Gayunman, ang patutunguhang iyon, “isang pangglobong kapatiran,” ay hindi matagpuan. Ang ipinangakong mga palatandaan ng seguridad sa ekonomiya, sapat na pagkain, mas mabuting kalusugan, at maligayang buhay pampamilya ay hindi masumpungan. “Sa maraming paraan,” sabi ng aklat na Milestones of History, “ang pagsulong sa siyensiya ay tuwirang nauugnay sa pagpuksa at kalupitan.”
Oo, ang sangkatauhan sa ngayon ay nawawala sa di-pamilyar na teritoryo, lumalayo sa ninanais na patutunguhan, malayo sa kapayapaan at katiwasayan na nakini-kinita sa pasimula ng dantaong ito. Kaya, marami sa ngayon ang nagtatanong sa mga direksiyon: “Paano tayo napunta sa kalagayang ito? Saan patungo ang daigdig na ito? Tayo ba’y nabubuhay sa mga huling araw?”
Upang malaman kung nasaan tayo, dapat muna nating tiyakin ang ating kasalukuyang kinaroroonan. Sabi ng ilan na tayo’y nasa bungad na ng isang bagong kaayusang pandaigdig; sinasabi naman ng iba na tayo’y nasa bingit na ng pagkapuksa. Ang Bibliya, gaya ng isang mapa ng daan, ay tumutulong sa atin na makita kung nasaan nga tayo at kung saan tayo patungo.
Kung ikaw ay naglalakbay, mahalaga na bantayan mo ang mga tanda na magpapakilala sa kinaroroonan mo. Sa katulad na paraan, inilalarawan ng Bibliya ang mga katangian—mga kalagayan at mga saloobin ng daigdig—na magpapakilala sa isang yugto ng panahon sa kasaysayan na tinatawag na “ang mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang katagang ito, “mga huling araw,” ay hindi tumutukoy sa wakas ng literal na mga langit at lupa. Bagkus, ito’y nangangahulugan ng “wakas ng sistema ng mga bagay,” o “ang wakas ng panahon,” gaya ng pagkakasabi rito ng isang salin ng Bibliya.—Mateo 24:3; Today’s English Version.
“Sa mga huling araw,” sulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo, “ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Tunay, maaaring ito ay kumapit sa ibang yugto ng panahon sa kasaysayan. Oo, ang bawat panahon ay may sarili nitong kahirapan.
Kung gayon, anong dahilan mayroon tayo upang maniwala na ang mga salitang ito ay tumutukoy sa ating panahon?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Tom Haley/Sipa Press