Nagbabala ang mga Siyentipiko
“ANG mga tao at ang likas na daigdig ay nagbabanggaan. . . . Mga ilang dekada na lamang ang natitira bago maiwasan ang mga banta [sa kapaligiran].”
Ang babalang ito, na inilabas ng UCS (Union of Concerned Scientists), ay inilathala sa Annals, isang babasahing pangmedisina sa Canada. Kung magpapatuloy ang nagbabanta-sa-buhay na mga gawain ng tao, sabi pa ng ulat, “maaaring baguhin [ng mga ito] ang daigdig anupat hindi nito maipagpatuloy ang buhay sa paraan na nalalaman natin.”
Kabilang sa apurahang mga problemang binanggit na dapat lutasin ay ang pagkaubos ng ozone; polusyon ng tubig; pagkalbo sa kagubatan; pagiging hindi mabunga ng lupa; at ang pagkalipol ng mga uri ng hayop at halaman, anupat sa taóng 2100 maaaring kasama rito ang sangkatlo ng lahat ng mga uri na ngayo’y nabubuhay. “Ang pakikialam natin sa pagkaumaasa ng isa’t isa sa masalimuot na kayarian ng buhay,” sabi ng UCS, “ay maaaring pagmulan ng malawakang mga epekto, pati na ng pagbagsak ng biyolohikal na mga sistema na ang anyo ng pagbabago o paglaki ay hindi natin gaanong nauunawaan.”
Ang mga pagkabahala ng UCS ay pinatunayan ng mahigit sa 1,600 siyentipiko sa buong daigdig, pati na ang 104 na mga nagwagi ng Gantimpalang Nobel. Ayon sa UCS, “ang nakatatandang mga miyembro ng siyentipikong pamayanan ng daigdig ay nagbababala sa lahat ng sangkatauhan na isang pagbabago sa ating pamamahala sa lupa ang kinakailangan kung nais nating maiwasan ang napakalaking paghihirap ng tao.”
Ang Bibliya ay sumasang-ayon na tunay ngang ‘sinisira [ng tao] ang lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Kinikilala pa nga nito na kinakailangan ang isang pagbabago sa pamamahala sa lupa. (Jeremias 10:23; Daniel 2:44) Sa katunayan, ang Bibliya ay nangangako na ang gayong pagbabago ay mangyayari, hindi sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, kundi sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, ang makalangit na pamahalaan na itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga tagasunod.—Awit 145:16; Isaias 11:1-9; Mateo 6:9, 10.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Larawan: Godo-Foto