“Salamat sa Pagtulong Ninyo sa Akin na Matuto Tungkol kay Jehova!”
Iyan ang taos sa pusong sinabi ng isang 16-anyos na babae mula sa Florida, E.U.A. Pagkatapos basahin ang mga publikasyon na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, siya’y sumulat:
“Hindi ko matandaan ang pangalan nito, subalit nabasa ko ang isang aklat tungkol sa buhay ni Jesus na sa paniwala ko ay inilimbag ninyo. Bago ko nabasa ang aklat, akala ko’y alam ko na ang lahat ng kailangan kong malaman. Naniniwala ako sa Diyos at kay Jesus, nananalangin ako bago kumain at muli sa gabi, at ako’y namumuhay ng isang mabuting buhay. Subalit pagkatapos basahin ang aklat na iyon, natanto ko na wala pala akong gaanong nalalaman at na kailangan kong patuloy na magbasa at matuto tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesus at sa iba pa na nasa Bibliya.
“Unti-unti ko nang binabago ang ilan sa aking mga ugali upang ako’y maging mas mabuting lingkod ng Diyos. Kung hindi dahil sa Samahang Watch Tower, wala pa rin akong kaalam-alam tungkol sa Diyos at sa mga kuwento sa Bibliya. Salamat sa pagtulong ninyo sa akin na matuto tungkol kay Jehova!”
Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ang pamagat ng aklat na binabanggit ng batang babae. Isang pagsisikap ang ginawa upang iharap ang lahat ng pangyayari sa makalupang buhay ni Jesus na nakatala sa apat na Ebanghelyo. Kung nais mong tumanggap ng isang kopya o nais mong magkaroon ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa angkop na direksiyon sa pahina 5.