“Inilathala Niya Ito sa Pahayagan”
Iyan ang sinabi ng isang mapagpahalagang batang babae mula sa Canada sa isang liham ng pasasalamat sa Samahang Watch Tower. Nakibahagi siya sa isang paligsahan sa pagtatalumpati sa madla sa paaralan, at ang kaniyang presentasyon ay labis na ikinatuwa ng isa sa mga hukom sa hurado anupat humingi ng pahintulot na ilathala ito sa lokal na pahayagan.
Paano pinili ng batang babae ang kaniyang paksa? “Ang aking klase, lalo na ang mga babae, ay may problema tungkol sa tsismis,” paliwanag niya. Kaya ibinatay niya ang kaniyang presentasyon sa impormasyon na nabasa niya sa Gumising! Ang mga bahagi ng kaniyang talumpati ay inilathala sa The Review, isang lokal na pahayagan sa Niagara Falls, Ontario, sa ilalim ng pamagat na “Ang Tsismis ay Nakapipinsala; Ano ang Madarama Mo?”
Ano ba ang lubhang hinangaan ng hukom sa hurado? Pansinin ang ilan sa mga sinipi mula sa talumpati ng batang babae: “Sa lipunan ngayon ang tsismis ay napakapangkaraniwan. Maaari itong pagmulan ng maraming sakit ng ulo, hindi pagkatulog sa gabi at karamihan ng lahat ng mga sama ng loob. . . .
“Ang paghinto sa tsismis ay imposible sapagkat ugali na ng tao ang magsalita. Ang isang bagay na magagawa natin ay supilin ito. Ang ilang hakbang sa paggawa nito ay: 1. Huwag gatungan ang apoy. 2. Huwag makinig sa tsismis. . . . Sa pamamagitan ng pakikinig sa tsismis, wari bang sumasang-ayon ka sa kung ano ang sinasabi. 3. Ang nakapipinsalang tsismis ay nagpapangyari rin sa iyo na maging isang sinungaling. 4. Ang pinakamahalagang payo sa lahat ay mag-isip bago magsalita! Tanungin ang iyong sarili ‘Ano kaya ang madarama ko kung ganito ang sabihin tungkol sa akin?’”
“Isagawa ang apat na hakbang na ito,” ang pagtatapos ng batang babae, “at malamang na kayo ay maging mas mabuting tao.”
Isa ngang praktikal na payo para sa lahat, hindi lamang sa mga kabataan sa paaralan! Sinisikap ng Gumising! na iharap ang napapanahon at kasalukuyang impormasyon tungkol sa iba’t ibang paksa. Kung nais mong regular na tumanggap ng babasahing ito, hilingin sa isa sa mga Saksi ni Jehova sa susunod na panahong dumalaw sila sa inyo, o sumulat sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5.