Sino ang Magulang? Sino ang Anak?
ISANG sikologo sa California, E.U.A., ang namimighati dahil sa antas ng pagkawala ng awtoridad ng magulang nitong nakalipas na mga taon. “Sa aking opisina,” isinulat niya, “nasaksihan ko ang di-mabilang na pagtatalo sa pagitan ng mga magulang at ng mga anak na para bang nangyayari sa dalawang adulto, hindi sa isang anak at sa isang magulang. Mga negosasyong ginagawa lamang ng malalaki nating korporasyon ang pinagtatalunan tungkol sa bawat bagay mula sa oras ng pagtulog hanggang sa alawans at sa mga gawain sa bahay. Kung minsan ay hindi mo na malaman kung sino ang magulang at kung sino ang anak.”
Ang Bibliya ay naglalaan ng timbang na payo para sa mga magulang. Binababalaan sila nito hinggil sa panganib ng pagiging napakaistrikto anupat iniinis nila ang kanilang anak, na baka maging dahilan upang ang anak ay malungkot at masiraan ng loob. (Colosas 3:21) Ngunit pinag-iingat din nito ang mga magulang sa isa pang pagmamalabis—ang pagiging labis na maluwag, anupat binibitiwan ang kanilang awtoridad. Sabi ng Kawikaan 29:15: “Ang batang pinababayaan ay nagdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.” Sabi ng isa pang kawikaan sa Bibliya: “Siyang nagpapalayaw sa kaniyang lingkod mula sa pagkabata, sa bandang huli ay magiging isa itong walang utang na loob.” (Kawikaan 29:21) Bagaman ang kasulatang ito’y tumutukoy sa isang lingkod, ang simulain ay angkop na kumakapit din sa mga anak.
Ang mga magulang na nagkakait sa kanilang mga anak ng kinakailangang patnubay at disiplina ay magbabayad nang mahal sa wakas—isang sambahayang di-kontrolado. Tunay ngang napakainam na ikapit ang payo ng Bibliya! Totoo, kailangan ang pagsisikap sa paggawa nito, subalit ito’y maaaring magdulot ng habang-buhay na pakinabang. Sabi ng Bibliya: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”—Kawikaan 22:6.