“Iniligtas ng Gumising! ang Buhay Ko”
“Mga alas 10:00 n.g. noong Nobyembre 11,” iniulat ni Arthur, sa Suva, Fiji, “nakaramdam ako ng pananakit ng dibdib, na pinagkamalan kong heartburn. Natitiyak ng aking asawa, si Esther, na inaatake ako sa puso, yamang ang mga nararamdaman ko ayon sa kaniya ay gaya niyaong inilarawan sa Disyembre 8, 1996, ng Gumising!, “Atake sa Puso—Ano ang Maaaring Gawin?,” na kababasa lamang niya.
“Nakipag-usap ako sa aking doktor sa telepono, at pinayuhan niya akong uminom ng gamot para sa heartburn, matulog na, at makipagkita sa kaniya kinabukasan. Subalit, hindi pa rin naalis ang pananakit. Sa gayon ay hiniling ko kay Esther na dalhin sa akin ang Gumising! at basahin sa akin ang bahaging “Mga Sintomas ng Atake sa Puso.” Pagkabasa niya nito sa akin, pumayag na akong padala sa ospital.
“Ipinakita ng mga pagsusuri na ako’y inaatake sa puso, at ako’y ipinasok sa ospital. Sa sumunod na limang araw, ako’y binigyan ng pampakalma at pinapagpahinga nang husto. Sinabi ng espesyalista sa puso na mabuti na lamang daw at nalaman kong ako’y inaatake sa puso.
“Noong Enero 9, 1997, sumailalim ako sa apat na oras na operasyon sa puso sa Sydney, Australia. ‘Napakalaki ng diperensiya ng malaking ugat sa puso,’ sabi sa ulat ng siruhano. Ipinakita ng kondisyon ng malalaking ugat sa aking puso na hahantong na ako sa isang malubhang atake sa puso na mangyayari sa loob ng susunod na ilang buwan kung hindi natuklasang ako’y inaatake na pala noong Nobyembre 11.
“Walang-alinlangang masasabi ko na talagang iniligtas ng Gumising! ang buhay ko, sapagkat tiyak na ipagkakamali ko ang aking atakeng iyon bilang matinding heartburn lamang.”
Pinagsisikapan ng Gumising! na makapagharap ng napapanahon at kasalukuyang mga impormasyon sa napakaraming iba’t ibang paksa. Kung nais mong tumanggap ng babasahing ito nang palagian, ipaalam ito sa mga Saksi ni Jehova sa susunod na pagkakataon na sila’y dumalaw, o kaya’y sumulat sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5.