Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/22 p. 3
  • Kaigtingan—“Ang Tahimik na Mamamatay-tao”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaigtingan—“Ang Tahimik na Mamamatay-tao”
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Nakabubuting Kaigtingan, Nakasasamang Kaigtingan
    Gumising!—1998
  • Kaigtingan—Mga Sanhi at Epekto Nito
    Gumising!—2005
  • Stress—Ang Epekto Nito sa Atin
    Gumising!—2010
  • Stress—Isang Banta sa Kalusugan
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/22 p. 3

Kaigtingan​—“Ang Tahimik na Mamamatay-tao”

“Ang una kong napansing sintoma ay ang matinding pamimigat. Nagsimula iyon malapit sa aking buto sa dibdib; kumalat sa aking mga balikat, leeg, at mga panga; at muli kong naramdaman sa aking mga bisig. Para bang may isang elepante na dumagan sa aking dibdib. Hinahabol ko ang aking paghinga. Pinawisan ako. Humilab ang aking tiyan at naduduwal ako. . . . Pagkaraan, habang inihihiga ako ng mga nars sa kama ng ospital, natandaan kong sinabi ko taglay ang pagtataka, ‘Inaatake ako sa puso.’ Ako’y apatnapu’t apat na taong gulang.”

SA KANIYANG aklat na From Stress to Strength, gayon inilarawan ni Dr. Robert S. Eliot ang muntik-muntikan niyang pagkamatay mahigit nang 20 taon ang nakalipas. Nang umagang iyon ay dumalo siya sa isang komperensiya at nagbigay ng isang pahayag​—balintuna nga, sa paksang atake sa puso. Biglang-bigla, nasumpungan ni Dr. Eliot, isang espesyalista sa puso, ang kaniyang sarili na nasa tinatawag niyang “ang kabila ng kumot sa isang coronary care unit.” Ano ang ipinapalagay niyang sanhi ng ganitong di-inaasahang krisis? “Sa loob ko,” sabi ni Dr. Eliot, “pinapatay ako ng reaksiyon ng aking katawan sa kaigtingan.”a

Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Dr. Eliot, ang kaigtingan ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng isa. Sa katunayan, sa Estados Unidos, ito ay iniugnay sa ilang pangunahing sanhi ng kamatayan. Maaaring di-mapansin ang unti-unting pagdami ng mga epekto ng kaigtingan sa paglipas ng panahon at saka iyon lilitaw nang walang babala. Kaya may makatuwirang dahilan na ang kaigtingan ay tinatawag na “ang tahimik na mamamatay-tao.”

Nakapagtataka, hindi lamang yaong mga taong may ugaling type-A​—walang pasensiya, mapusok, at mahilig makipagpaligsahan​—ang maaaring dumanas ng mga kapahamakang may kaugnayan sa kaigtingan. Maaaring nanganganib rin yaong mga taong waring mahinahon, lalo na kung ang kanilang pagiging kalmado ay panlabas lamang, tulad ng isang di-mahigpit na takip sa isang pressure cooker. Inaakala ni Dr. Eliot na ganito ang nangyari sa kaniya. Nagbababala siya ngayon sa iba: “Maaaring bigla kang mamatay ngayon​—na di-namamalayang sa loob ng mga taon ay mayroon kang nakakabit na time bomb sa iyong puso.”

Ngunit hindi lamang atake sa puso at biglaang kamatayan ang mga suliranin na iniuugnay sa kaigtingan, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.

[Talababa]

a Bagaman ang kaigtingan ay maaaring isa sa mga dahilan, sa maraming kaso ng atake sa puso, napipinsala nang husto ang mga arteri sa puso sa pamamagitan ng atherosclerosis (pagkatipon ng taba sa mga sapin ng arteri). Samakatuwid, hindi isang katalinuhan para sa isang tao na ipagwalang-bahala ang mga sintoma ng sakit sa puso, marahil ay sa paniniwalang gagaling na siya kung mababawasan lamang ang kaigtingan. Tingnan ang Gumising!, Disyembre 8, 1996, pahina 3-​13.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share