Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Bato Ibig kong sabihin sa inyo kung gaano ako naantig ng artikulong “Ang Iyong mga Bato—Isang Pansala Para Mabuhay.” (Agosto 8, 1997) Ipinabatid sa akin ng aking doktor na may diperensiya ako sa bato. Dahil sa artikulo, nadama kong hindi na ako nag-iisa ngayon sa aking sakit.
V. M., Estados Unidos
May sakit ako sa bato na siyang dahilan ng pagkakaospital ko sa loob ng apat na buwan. Nakatulong sa akin ang pagbabasa ng inyong artikulo upang matanto kung gaano kaliit ang nalalaman ko tungkol sa aking katawan. Ngayon ay maipaliliwanag ko na nang mas mabuti sa iba ang aking kalagayan.
S. H., Hapon
Dumating ang artikulong ito sa panahon na nalaman ng aking kabiyak na siya ay may kanser sa bato. Bagaman nabigla kami sa diyagnosis, naunawaan naming mabuti ang iba’t ibang gawain ng bato nang ito ay ipaliwanag sa amin ng siruhano. Ang aking asawa ay sumailalim sa nephrectomy at nagpapagaling na ngayon pagkatapos ng operasyon.
G. S., India
Kasaysayan ng Isang Eskultor Napasigla ang aking loob nang mabasa ko ang “Mas Mabuti Kaysa sa Pagiging Tanyag sa Daigdig,” na karanasan ni Celo Pertot. (Agosto 22, 1997) Bago maging isang Kristiyano, itinataguyod ko ang isang karera sa musika at sa teatro. Nang gabi bago ako mabautismuhan, nakatanggap ako ng isang tawag mula sa mga manunulat ng isang popular na serye sa telebisyon. Nang sabihin ko sa kanila na hindi na ako nag-aartista, sinabi nila, “Nababaliw ka na ba?” Tulad ni Celo Pertot, nadama ko na pinagpala ni Jehova ang aking desisyon sa isang dakilang paraan.
R. F., Estados Unidos
Teologong Ruso Maraming salamat sa paglilimbag ng artikulong “Mga Saksi ni Jehova sa Russia.” (Agosto 22, 1997) Malaki ang paggalang at paghanga ko kay Sergei Ivanenko dahil sa pagkakaroon niya ng lakas ng loob at hangarin na ilimbag ang katotohanan tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
S. M., Estados Unidos
Poot Ang mga seryeng “Bakit Gayon na Lamang ang Poot? Bakit Salat sa Pag-ibig?” (Setyembre 8, 1997) ay isa sa pinakamainam na pabalat na inilimbag ninyo kailanman. Nakatulong sa akin ang mga artikulo upang maunawaan nang higit kung bakit ang mga tao ay hindi nagtitiwala sa mga estranghero at sa mga taong may ibang kultura.
J. M., Estados Unidos
RSD—Makirot na Sakit Nadama ko na tungkulin kong sumulat sa inyo pagkatapos na mabasa ko ang artikulong “RSD—Di-Maipaliwanag, Makirot na Sakit.” (Setyembre 8, 1997) Noong Enero, nalaman ko na ako ay may RSD. Sinikap kong humanap ng ilang impormasyon tungkol dito. Kaya napaluha ako nang makita ko ang artikulong ito. Ito ay praktikal, at sinagot nito ang marami sa aking katanungan.
W. B., Inglatera
Apat na taon na akong may RSD. Salamat sa pagsisikap ninyo na magsaliksik nang husto sa paksang ito. Talagang ipinakita nito ang pag-ibig ninyo sa inyong kapuwa.
G. S., Alemanya
Ang aking asawa ay may RSD, at nahihirapan kaming ipaliwanag sa ibang tao ang sakit na ito. Ngayon na tinalakay ito nang lubusan sa artikulo, naging mas madali na ito para sa amin. Ipinasa rin namin ang materyal na ito sa mga doktor at mga rehabilitation office. Ang pagbabasa tungkol sa pakikipagpunyagi ni Karen Orf sa RSD ay parang pagbabasa tungkol sa buhay ng aking asawa! Gaya ni Karen, inaasam-asam namin ang bagong sanlibutan, kung saan mawawala na ang kirot magpakailanman.
K. P., Australia
Salamat kay Karen sa kaniyang paglalahad. Siya’y aking iniisip at ipinapanalangin, at umaasa ako na magpapatuloy ang kaniyang pagbuti. Apektado ng RSD ang aking likod at mga binti hanggang sa aking talampakan. Hirap na hirap akong maupo sa mga pulong at maglakad sa ministeryo sa larangan. Gayunman, sa tulong ni Jehova, hindi ito nakahadlang sa akin.
C. K., Inglatera