Bakit Hindi Siya Naniwala sa Diyos?
IPINAKITA ni Olesya, isang kabataang babae sa Rustavi, Georgia, dating republika ng Unyong Sobyet, sa dalawang panauhin ang isang larawan ng kaniyang mga magulang at kaniyang ibinulalas: “Kung mayroong Diyos, hindi sana niya pinahintulutang mamatay ang aking mga magulang nang sila’y napakabata pa!” Pagdating sa bahay ng asawa ni Olesya, si Tamazi, iniwanan sa kanila ng mga panauhin ang mga brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! at “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay.”
Nang muling dalawin ang mag-asawa, nabasa na ni Olesya ang brosyur na “Narito!” at ibig niyang mag-aral ng Bibliya. Nagustuhan niya ang kaniyang nabasa. Sa kasunod na pagtalakay, agad niyang binuksan ang brosyur at binasa ang mga bahagi na kaniyang minarkahan. Naantig siya sa makatuwirang mga argumento.
Halimbawa, sinasabi ng brosyur: “Ang mga kababalaghan na nakapalibot sa atin—mga bulaklak, mga ibon, mga hayop, ang kamangha-manghang nilalang na tinatawag na tao, ang mga himala ng buhay at panganganak—lahat ng ito’y nagpapatunay na may di-nakikitang Dalubhasang Talino na lumikha nito. (Roma 1:20) Pagka may talino, may isip din. Pagka may isip, may persona rin. Ang kataas-taasang talino ay yaong sa Kataas-taasang Persona, ang Maylikha ng lahat ng bagay na may buhay, ang mismong Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Ang Maylikha ay karapat-dapat sa lahat ng kapurihan at pagsamba.—Awit 104:24; Apocalipsis 4:11.”
Ipinagtapat ni Olesya nang bandang huli na ang pangako ng Diyos na bubuhaying muli ang namatay na mga mahal sa buhay ang siyang nagpakilos sa kaniya na magnais mag-aral ng Bibliya. Naniniwala kami na ikaw man ay makikinabang sa nakapagpapatibay-sa-pananampalataya na impormasyong nilalaman ng mga brosyur na ito. Kung nais mo ng isang kopya ng Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! at “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay” o ibig mong may dumalaw sa iyo upang magdaos ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa angkop na direksiyon sa pahina 5.