Umiiral Ba ang Diyos?—Ang Sagot ng Ilang Siyentipiko
GANITO ang sabi ng propesor sa physics na si Ulrich J. Becker, ng Massachusetts Institute of Technology, nang nagkokomento tungkol sa pag-iral ng Diyos: “Paano ako iiral kung walang manlalalang? Wala akong nalalamang anumang nakakukumbinsing sagot na kailanma’y ibinigay.”
Sinasalungat ba nito ang kaniyang makasiyensiyang pangmalas? Ang pumupukaw-kaisipang sagot ng propesor ay, “Kung matuklasan mo kung paano umiikot ang isang ruweda sa ‘relo,’—mahihinuha mo kung paano kumikilos ang iba pang ruweda, subalit hindi ito nagbibigay sa iyo ng karapatan na tawagin itong makasiyensiya at makabubuting huwag ka nang magtanong kung sino ang nagpihit sa kuwerdas.”
Salungat sa opinyon ng ilan, kinikilala ng maraming iginagalang na siyentipiko ang ideya na may isang Diyos—isang Dakilang Pinakautak sa likuran ng paglalang ng sansinukob at ng tao.
Isaalang-alang ang dalawa pang halimbawa may kinalaman sa puntong ito. Nang tanungin ang propesor sa matematika na si John E. Fornaess, ng Princeton University, hinggil sa kaniyang mga kaisipan may kinalaman sa pag-iral ng Diyos, siya’y sumagot: “Naniniwala ako na may Diyos at na ang Diyos ang gumawa sa sansinukob sa lahat ng antas mula sa pangunahing maliliit na bagay hanggang sa pagkalaki-laking mga kumpol ng galaksi.”
Ang propesor sa physics na si Henry Margenau, ng Yale University, ay nagsabi na kumbinsido siya na ang mga batas ng kalikasan ay nilikha ng Diyos, at sabi pa niya: “Nilalang ng Diyos ang sansinukob mula sa wala sa isang pagkilos na siya ring pasimula ng pag-iral ng panahon.” Saka niya binanggit na sa aklat na The Mystery of Life’s Origin, tatlong siyentipiko ang nagpaliwanag na ang pagkakaroon ng Maylalang ay isang kapani-paniwalang paliwanag sa pinagmulan ng buhay. Bilang pagtataguyod sa pangmalas na ito, sinabi ng astronomong si Fred Hoyle na ang paniniwala na ang unang selula ay nagkataon lamang ay katulad ng paniniwala na ang isang buhawing dumaan sa isang tambakan na punô ng hiwa-hiwalay at nakakalat na mga parte ng eroplanong Boeing 747 ay makagagawa ng isang 747.
Maidaragdag sa mga kasagutang ito ang mga salita ng manunulat ng Bibliya na si Pablo: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:20.
Oo, talagang umiiral ang Diyos! Subalit ano ang kaniyang dahilan sa pagpapahintulot sa kasalukuyang kaawa-awang kalagayan? Ano ba ang layunin niya sa lupa? Malalaman ba natin nang ganap kung sino ang Diyos na totoo?
[Blurb sa pahina 3]
“Kung matuklasan mo kung paano umiikot ang isang ruweda sa ‘relo,’—mahihinuha mo kung paano kumikilos ang iba pang ruweda, subalit . . . makabubuting huwag ka nang magtanong kung sino ang nagpihit sa kuwerdas”