Isang Natatanging Liham sa Kanilang mga Magulang
Dalawang tin-edyer na babae sa Espanya ang sumulat kamakailan ng liham ng pasasalamat sa kanilang mga magulang. Narito ang ilang pagsipi:
Sa aming mahal na mga magulang, Pepe at Vicenta:
Saan kami magsisimula? Napakaraming bagay na gusto naming sabihin, at mahirap sabihin sa maikli ang lahat ng mga ito. Nais namin kayong pasalamatan sa 17 at 15 taon ng aming buhay, mga taon na lipos ng pagkalinga at pagmamahal.
Alam na alam namin ang inyong mga opinyon at alituntunin. Kung minsan, naiisip namin kung bakit kailangan kaming umuwi sa isang takdang oras, ngunit ngayon, matapos makita kung ano ang nangyari sa ibang mga kabataan na walang curfew, natanto namin na ipinagsanggalang kami ng gayong mga alituntunin.
Ang inyong halimbawa sa hindi pagliban kailanman sa Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall, maliban na lamang kung may makatuwirang dahilan, ay nakatulong sa amin nang malaki, gaya rin ng pangangaral tuwing Linggo na kasama kayo. Tuwing umaga ng Linggo, hindi na kami kailangang magtanong kung lalabas tayo sa larangan. Alam na alam namin na lalabas tayo!
Kasali rin sa pagpapalaki sa amin ang pagkatuto tungkol sa pagkamapagpatuloy. Napakarami ang naging panauhin sa ating tahanan, at lagi ninyong ibinibigay sa kanila ang pinakamainam na taglay ninyo. Nakita namin ito sapol pa nang kabataan namin, at napahalagahan namin na mayroon kaming mga magulang na natatangi.
Walang sinuman na nakakakilala o nakauunawa sa amin nang higit kaysa sa inyo. Kayo ang aming pinakamatalik na mga kaibigan, ang mga taong lubusan naming pinagtitiwalaan.
Sa katapusan, nais naming sabihin na mahal namin kayo. Kayo ang aming mga magulang, at hindi namin kayo ipagpapalit kaninuman. Kung sakaling magkaroon kami ng pagkakataong pumili ng aming mga magulang at paraan ng aming pamumuhay, walang-alinlangan na pipiliin namin kayo, at mamumuhay pa rin kami na gaya ng dati.
Lakip ang may-pagmamahal na mga halik, ang inyong mga anak,
ESMERALDA AT YOLANDA