Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/8 p. 24-25
  • Sino ang Nagsasalita?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Nagsasalita?
  • Gumising!—2001
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2001
  • Matreshka—Isang Pambihirang Manika!
    Gumising!—1995
  • Tinig
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Hindi Lamang Basta Laruan
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/8 p. 24-25

Sino ang Nagsasalita?

ITINAAS ang tabing para sa tagapagtanghal at sa kaniyang manyika. Habang nagbibiruan sila, ang manyika ay waring buháy, may sariling boses at personalidad. Sabihin pa, ang tagapagtanghal talaga​—isang ventriloquist​—ang pinanggagalingan ng “boses” ng manyika, anupat laging iniingatan na huwag gumalaw ang kaniyang mga labi habang ginagawa ito.

Gusto mo bang makaalam pa nang higit tungkol sa kakaibang uring ito ng sining? Kinapanayam ng Gumising! si Nacho Estrada, na mga 18 taon na bilang isang propesyonal na ventriloquist.

Ano ang iba’t ibang uri ng “ventriloquism”?

Sa tinatawag na near ventriloquism, ang boses ng tagapagtanghal ay waring nanggagaling lamang sa malapit, gaya sa isang manyika na kalong niya. Sa distant ventriloquism naman, ang boses ng tagapagtanghal ay waring nanggagaling sa malayo. Maaari ring ipitin ng ventriloquist ang kaniyang boses anupat waring nanggagaling ito sa isang kulong na dako​—marahil ay sa loob ng isang saradong kahon. Nagagaya ng ilang ventriloquist ang mga tunog, gaya ng huni ng isang hayop o ng iyak ng isang sanggol. At hindi nila iginagalaw ang kanilang mga labi habang nagtatanghal.

Ang bihasang ventriloquist ay talagang kapani-paniwala. Sinasabi na may isa na sumigaw nang ipit sa paghingi ng tulong habang dumaraan ang isang kariton ng dayami. Talagang pinahinto ng mga tao ang kariton at idiniskarga ang dayami, anupat inaasahan na makasusumpong ng isang kaawa-awang biktima sa ilalim ng mga ito! Sabihin pa, walang sinuman na natagpuan.

Paano sumulong ang ventriloquism sa nakalipas na mga taon?

Pinaniniwalaan na sa nakalipas na maraming taon, ginamit ang ventriloquism sa layuning linlangin ang mapamahiing mga tao upang maniwalang nakikipag-usap sila sa mga patay. Nang maglaon, ibinunyag na ang ventriloquism ay isang kasanayan lamang ng tao. Mula noon ay nagkaroon na ito ng angkop na dako sa larangan ng libangan, at sa ngayon ay ginagamit pa nga ito kung minsan sa pagtuturo.

Sa nagdaang mga siglo, iba’t ibang tagpo ang ginamit upang aliwin ang mga manonood at ipamalas ang kakaibang mga kakayahan ng mga ventriloquist. Pagsapit ng ika-20 siglo, naging popular sa mga ventriloquist ang pakikipag-usap sa isang manyikang kahoy.

Paano ka nagkaroon ng interes sa ventriloquism?

Naakit ako sa kakayahan nito na magdulot ng kagalakan at tuwa sa mga tao. Nang ako ay bata pa, naakit ako ng isang lokal na ahente na magkaroon ng interes sa sining na ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang salitang “ventriloquist” ay hinango sa mga salitang Latin na venter at loqui, na nangangahulugang “pagsasalita sa pamamagitan ng tiyan” o “pagsasalita mula sa tiyan.” Dahilan ito sa dating akala na ang ventriloquism ay resulta ng pambihirang paggamit sa tiyan. Pagkatapos ay ipinakita niya sa akin ang ilang panimulang pamamaraan.

Kinabukasan, sinubukan ko ito sa paaralan. Sa pamamagitan ng distant-voice technique, pinangyari ko na wari’y nanggaling sa sistema ng patunog (sound system) ang aking boses at tinawag ko ang aking sarili para lumabas sa klase. Umubra ito! Nang maglaon, natuto ako nang higit tungkol sa ventriloquism sa tulong ng pag-aaral sa pamamagitan ng liham at pagkatapos ay ginawa ko itong propesyon.

Ano ang kasangkot sa iyong trabaho bilang ventriloquist?

Bagaman paminsan-minsan ay nakapagtatanghal ako sa mga handaan at sa mga kombensiyon ng mga ventriloquist at nakapagtanghal pa nga nang ilang beses sa telebisyon, ang kalakhang bahagi ng aking panahon ay nagugugol sa pagtuturo sa mga bata sa mga pagtitipon sa paaralan. Malaking bahagi ang ginagampanan ng pagpapatawa sa ganitong pagtatanghal. Halimbawa, sa panahon ng isang programa tungkol sa personal na kalinisan, sinasabi ko kay Maclovio, ang aking manyikang kahoy, na dahil hindi siya nagsipilyo ng ngipin, nakikita ko na itlog ang kaniyang almusal nang umagang iyon. Sasagot naman si Maclovio nang ganito, “Mali ka​—kahapon pa iyon!”

Paano isinasagawa ang ventriloquism?

Madalas na sinasabi na ipinupukol ng ventriloquist ang kaniyang boses, subalit ilusyon lamang ito. Gumagamit kami ng pantanging posisyon ng dila upang makapagpalabas ng kahaliling mga tunog para sa mga titik na nangangailangan ng galaw ng labi, at ang isang paraan ng paghinga mula sa diaphragm ay naglalabas ng tunog na waring mula sa malayo.

Epektibo ang ventriloquism dahil karamihan sa mga tainga ng mga tao ay hindi sinanay na makakilala ng pinagmumulan ng layo ng tunog. Kailangan nila ang tulong ng kanilang mga mata. Bilang paglalarawan: Kapag tumunog ang sirena, sinasabi sa iyo ng iyong tainga na may papalapit na sasakyang pangkagipitan at na nanggagaling ito sa malayo. Ngunit gaano kalayo ang sasakyan? Aling direksiyon ang pinanggagalingan nito? Upang masagot ang mga tanong na ito, malamang na kakailanganin mong hanapin ang kumikislap-kislap na ilaw ng sasakyan.

Sinasamantala ng ventriloquist ang bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang tunog na may angkop na lakas at pag-aakay sa pansin ng manonood doon sa gusto niyang isipin nila na pinagmumulan ng tunog.

Anong mga mungkahi ang ibibigay mo sa isang tao na interesadong matutuhan ang sining ng ventriloquism?

Una, tiyakin mo ang iyong layunin, at maging handa na iwasan ang anumang kasalungat nito. Binanggit ko ito dahil gaya ng marami pang ibang uri ng paglilibang, kung minsan ay ginagamit ang ventriloquism sa di-mabubuting layunin. Para sa akin, naakit ako sa ventriloquism dahil sa kakayahan nitong pumukaw ng pag-ibig at tuwa. Nililimitahan ko ang aking gawain sa diyalogo at mga pagkakataon na nagsisilbi sa gayong layunin.

Upang maging bihasa sa ventriloquism, tatlong bagay ang kakailanganin mo​—pamamaraan, imahinasyon, at pagsasanay. Matututuhan ang pamamaraan mula sa isang aklat na nagtuturo o sa video. Pagkatapos, gamitin ang iyong imahinasyon upang makabuo ng isang kapani-paniwalang personalidad para sa iyong manyika o papet, at pag-aralan kung paano siya gagawing parang buháy. Panghuli, magsanay. Ang dalas ng iyong pagsasanay ang siyang magtatakda sa antas ng kasanayan na iyong matatamo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share