Isang Lubhang Pinapupurihang Aklat-Aralin Para sa mga Kabataan
ANG prinsipal ng Tigoni Academy for Girls sa Limuru, Kenya, ay sumulat sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa bansang iyan upang humiling ng mga kopya ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Sinabi niya: “Gaya ng alam ninyo, maaaring mahirap pakitunguhan ang mga tin-edyer sa ngayon. Mayroon kaming dalawang kopya ng inyong aklat, na kapaki-pakinabang kapuwa sa mga guro at mga estudyante. May sapat na impormasyon ito at angkop na angkop sa mga pangangailangan namin at ng aming mga tin-edyer.”
Pagkatapos ay sinabi ng prinsipal: “Nais ng administrasyon [ng paaralan] na gamitin ang kapaki-pakinabang na aklat na ito upang turuan ang aming mga estudyante. Gustung-gusto nila ang aklat. Sang-ayon ang mga magulang ng mga estudyante namin sa lahat ng ginagawang pagsisikap upang tulungan ang kanilang mga anak. Sa ngayon, sa palagay namin ay makasasapat na ang 25 kopya ng ganitong aklat.”
Lubusang inaarok ng aklat na Tanong ng mga Kabataan ang isip at damdamin ng mga kabataan. Pinasisigla nito ang kapaki-pakinabang na talakayan sa mga paksang gaya ng: “Paano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?,” “Dapat Ko Bang Lisanin ang Aming Tahanan?,” “Paano Ako Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan?,” “Anong Karera ang Dapat Kong Piliin?,” “Tama Kaya ang Pakikipagtalik Muna Bago ang Kasal?,” at “Papaano Ko Malalaman Kung Ito nga’y Tunay na Pag-ibig?”
Ilan lamang ito sa mga pamagat ng mga kabanata. Sa 39 na kabanata nito, tinatalakay rin ng aklat ang marami pang ibang paksa. Kung gusto mo ng isang kopya, punan ang kalakip na kupon at ihulog ito sa koreo sa adres na ipinakikita sa kupon o sa angkop na adres na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.