Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 5/08 p. 3
  • Kung Bakit Marami ang Nangangamba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Marami ang Nangangamba
  • Gumising!—2008
  • Kaparehong Materyal
  • Ano Na ang Nangyayari sa Lagay ng Panahon?
    Gumising!—2003
  • Climate Change at ang Kinabukasan Natin—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Iba Pang Paksa
  • Mga Palatandaan ng Panganib?
    Gumising!—2008
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2008
g 5/08 p. 3

Kung Bakit Marami ang Nangangamba

Marami ang nangangamba sa kinabukasan dahil sa nakababahalang mga kaganapan sa buong daigdig. Dumarami ang mga lunsod na gumagamit ng mga video camera para manmanan ang kanilang mga mamamayan. Dahil sa takot sa mga terorista, maraming abalang paliparan ang nagmistulang mga kampo ng militar sa dami ng sundalong nagbabantay. Dumarami rin ang mga magnanakaw at pedopilyang gumagamit ng Internet para mambiktima ng mga walang muwang. May kinalaman naman sa ating kapaligiran, nanganganib ang pag-iral ng buhay sa ating planeta dahil sa polusyon, pagkalbo sa kagubatan, pagkalipol ng mga uri ng mga hayop at halaman, at pag-init ng globo.

HINDI inakala ng nakalipas na dalawa o tatlong henerasyon na mangyayari ang mga problemang ito. Pero ang mga ito ang siya mismong ikinababahala ngayon ng mga tao sa buong daigdig. Kaya naman, marami ang nag-iisip kung bakit ganito ang nangyayari sa daigdig at kung ano ang magiging kinabukasan nila at ng kanilang mga anak. Darating kaya ang panahon na hindi na sasakay ng bus, tren, o eroplano ang mga tao dahil sa takot? Yamang tumataas ang presyo ng bilihin at parami nang parami ang gumagamit ng likas na yaman ng lupa, magiging abot-kaya pa kaya sa hinaharap ang de-kalidad na pagpapagamot, nakapagpapalusog na pagkain, at sapat na gasolina at krudo?

“Talagang nakakatakot ang magiging kinabukasan natin,” ang sabi ng isang ministro ng kalusugan sa Canada hinggil sa tumataas na gastusin sa pagpapagamot. Maraming tao ang nababahala rin sa pagkain at langis. Bakit? Upang mabawasan ang pagdepende sa langis, gumagastos ng malaking salapi ang ilang bansa para sa biofuel, gaya ng ethanol, na galing sa pananim. Kaya sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, tila nakikipagkompetensiya ang mga tao sa mga sasakyan yamang ang mga pananim na pinagkukunan ng pagkain ay ginagamit na rin sa paggawa ng gasolina. Dahil dito, tumataas ang presyo ng pagkain at nagkakaroon ng implasyon.

Samantala, lumalaki ang agwat ng mayayaman at ng mahihirap, na lalong nagpapalala sa tensiyon sa lipunan. “Sa unang dekada ng ika-21 siglo, marami ang labis na naghihikahos sa kabila ng malaking pagsulong ng tao sa larangan ng kalusugan,” ang sabi ng isang ulat ng World Health Organization. “Sa ilang pinakamahihirap na bansa, ang haba ng buhay ng tao ay naging kalahati ng haba ng buhay ng mga nakatira sa pinakamayayamang bansa.” Sakit, kaguluhan sa lipunan, at mabuway na ekonomiya ng mga estadong hindi matatag ang gobyerno ang pangunahing mga dahilan nito.

Idagdag pa rito ang panganib ng pag-init ng globo, na maaaring maging sanhi ng pagdami ng mga disyerto at pagkakaroon ng higit pang di-normal na lagay ng panahon. Kaya hindi nakapagtatakang maraming taong nakaaalam nito ang kinakabahan sa mangyayari sa kinabukasan. Ang Bulletin of the Atomic Scientists, ang nagbabago ng orasang tinatawag na Doomsday Clock, ay nagpahayag ng pangamba hinggil sa isang malagim na kinabukasan “habang patuloy na napapansin ng mga siyentipiko ang sunud-sunod na epekto [ng pag-init ng globo] sa masalimuot na mga ekosistema ng Lupa.”

Talaga nga kayang magiging malagim ang ating kinabukasan gaya ng ipinahihiwatig ng mga pangyayari sa daigdig? Ang pagkakaroon ba natin ng magandang kinabukasan ay nakasalalay lamang sa mga lider ng negosyo, pulitika, relihiyon, at siyensiya? ‘May iba pa ba tayong magagawa?’ ang sabi ng ilan. ‘Tayo ang may kagagawan nito; tayo ang dapat lumutas nito.’ Iniisip naman ng iba na hindi talaga kaya ng tao na lutasin ang mga problemang ito at na Diyos lamang ang makapagbibigay sa atin ng isang tiyak at mapananaligang kinabukasan. Kung gayon, paano natin matitiyak na interesado sa atin ang Diyos at pipigilan niya ang tao na tuluyang ipahamak ang kaniyang sarili? Sasagutin ng susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.

[Blurb sa pahina 3]

Ang pagkakaroon ba natin ng magandang kinabukasan ay nakasalalay lamang sa mga lider ng negosyo, pulitika, relihiyon, at siyensiya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share