“Patuloy na Magbantay!”
na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova
◼ Siyamnapu’t anim na tatlong-araw na kombensiyon, na magsisimula sa Pilipinas sa Oktubre 23-25, 2009, ang gaganapin sa buong bansa hanggang sa Enero 8-10, 2010. Ang mga sesyon ay magsisimula bawat araw sa ganap na 8:20 n.u. sa pamamagitan ng musika. Ang tema sa Biyernes, na batay sa Mateo 24:44, ay “Maging Handa Kayo.” Ang pahayag ng tsirman ay susundan ng mga pahayag na “Tinutulungan Tayo ng mga Kombensiyon na Manatiling Mapagbantay” at “Si Jehova—Diyos ng mga ‘Panahon at Kapanahunan.’” Pagkatapos, sa simposyum na “Tularan ang mga Tapat na Nanatiling Mapagbantay,” tatalakayin kung paano nanatiling mapagbantay sina Noe, Moises, at Jeremias. Magtatapos ang programa sa umaga sa pinakatemang pahayag na “Kung Paano Tayo Tinutulungan ni Jehova na ‘Manatiling Mapagbantay.’”
Ang unang bahagi sa Biyernes ng hapon ay ang “Sagot sa mga Tanong Tungkol sa ‘mga Huling Araw,’” na susundan ng mga pahayag na “‘Hindi Ninyo Alam ang Araw Ni ang Oras’—Bakit?” at “Alamin Ninyo na Malapit Na ang Wakas.” Susundan ito ng simposyum na “‘Manatiling Gising’ Bilang Pamilyang Kristiyano!” na may anim na bahagi. Ang unang tatlong bahagi ay para sa mga asawang lalaki, asawang babae, at mga anak. Ang huling tatlo ay pinamagatang “Panatilihing Simple ang Inyong Mata,” “Patuloy na Magtaguyod ng Espirituwal na mga Tunguhin,” at “Patuloy na Magdaos ng Gabi ng Pampamilyang Pagsamba.” Magtatapos ang sesyon sa hapon sa pahayag na “Mga Salita na Nagpapasigla sa Atin na ‘Manatiling Mahigpit na Nagbabantay.’”
Ang tema sa Sabado ay “Panatilihin ang Inyong Katinuan, Maging Mapagbantay,” batay sa 1 Pedro 5:8. Ang simposyum na “Tulungan ang mga Tao na Gumising sa Pagkakatulog” ay may limang bahagi na tatalakay sa mga paksang “Ang Ating Ministeryo—Bakit Napakahalaga?,” “Maging Mapagmasid Kapag Nasa Larangan,” “Magtuon ng Pansin sa Pagpapasulong ng Inyong mga Kasanayan,” “Huwag Kalimutan ang Inyong mga Kamag-anak!,” at “Laging Isaisip ang Pagkaapurahan ng Panahon!” Pagkatapos ng mga pahayag na “Tularan si Jesus sa Pagiging Mapagbantay” at “Maging Mapagpuyat May Kinalaman sa mga Panalangin,” magtatapos ang sesyon sa pahayag sa bautismo, at pagkatapos, ang mga kuwalipikado ay babautismuhan.
Itatampok sa programa sa Sabado ng hapon ang limang-bahaging simposyum na “Mag-ingat sa mga Bitag ni Satanas!”—“Apoy,” “Hukay,” “Silo,” “Ang Bitag na Sumasakal,” at “Ang Bitag na Dumudurog.” Susundan ito ng isang espesyal na bahagi na “Hanggang sa Pumanaw Ako, Hindi Ko Aalisin ang Aking Katapatan!” Magtatapos ang sesyon sa mga pahayag na “Huwag Tumingin sa ‘mga Bagay na Nasa Likuran’” at “Matuto Mula sa Pagiging Mapagbantay ng mga Apostol ni Jesus.”
Ang tema sa Linggo na batay sa Habakuk 2:3 ay “Patuloy Mong Hintayin . . . Hindi Iyon Maaantala.” Ang pahayag tungkol sa tema para sa araw na ito ay susundan ng simposyum na “Ituon ang Inyong mga Mata sa ‘mga Bagay na Di-nakikita’” na tatalakay sa mga paksang “Ang Sampung Sungay . . . ay Mapopoot sa Patutot,” “Kikilalanin ng mga Bansa si Jehova,” “Dudurugin ang ‘Lahat ng mga Kahariang Ito,’” “Ang Diyablo ay Igagapos sa Loob ng Isang Libong Taon,” “Magtatayo Sila ng mga Bahay at Magtatanim ng mga Ubasan,” “Ang Lobo at ang Kordero ay Manginginaing Magkasama,” “Papahirin ng Diyos ang Bawat Luha,” “Ang Lahat ng Nasa mga Alaalang Libingan ay . . . Lalabas,” at “Ang Diyos ay Magiging ‘Lahat ng Bagay sa Bawat Isa.’” Magtatapos ang sesyon sa umaga sa pahayag pangmadla na “Paano Ka Makaliligtas sa Katapusan ng Sanlibutan?”
Espesyal na bahagi sa Linggo ng hapon ang nakakaantig na makabagong-panahong drama na “Ang Kapatid Mo ay Patay Na at Nabuhay,” batay sa talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak. Pagkatapos ng sumaryo ng Pag-aaral sa Bantayan na idinaraos linggu-linggo, magtatapos ang kombensiyon sa pahayag na “Patuloy na Magbantay, Hintayin ang Araw ni Jehova!”
Magplano na ngayon para makadalo. Para malaman ang lugar na pinakamalapit sa inyo, tawagan ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.