Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming Kapuwa Umiibig kay Jehova:
“Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo,” ang sabi ni Jesus. (Juan 8:32) Tunay ngang nakapagpapatibay ang mga salitang ito! Oo, posible talagang malaman ang katotohanan, kahit sa mapanganib na “mga huling araw” na ito kung kailan laganap ang kasinungalingan. (2 Timoteo 3:1) Natatandaan mo ba kung kailan mo unang natutuhan ang katotohanang ipinaliwanag sa Salita ng Diyos? Siguradong tuwang-tuwa ka nang matutuhan mo iyon!
Subalit bagaman mahalagang malaman natin ang tumpak na kaalaman hinggil sa katotohanan at regular na makibahagi sa pagsasabi sa iba tungkol dito, dapat din tayong gumawi kasuwato ng katotohanan. Upang magawa natin ito, dapat tayong manatili sa pag-ibig ng Diyos. Ano ang nasasangkot dito? Makikita ang sagot sa sinabi ni Jesus noong gabi bago siya mamatay. Sinabi niya sa kaniyang tapat na mga apostol: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.”—Juan 15:10.
Pansining nanatili si Jesus sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng kaniyang Ama. Gayundin ang dapat nating gawin ngayon. Upang manatili sa pag-ibig ng Diyos, dapat nating ikapit ang katotohanan sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Nang gabi ring iyon, sinabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.”—Juan 13:17.
Lubos kaming umaasa na ang publikasyong ito ay makatutulong sa iyo na patuloy na ikapit ang katotohanan sa iyong buhay at sa gayo’y manatili sa “pag-ibig ng Diyos” na may pag-asang makamit ang buhay na walang hanggan.—Judas 21.
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova