AKRE
Ayon sa pagkakagamit sa Kasulatan, ang “akre” ay tumutukoy sa isang sukat ng lupain na kayang araruhin ng isang pareha ng mga toro sa loob ng isang araw. Ang salitang Hebreo na isinalin nang gayon (tseʹmedh) ay literal na nangangahulugang “pareha” (1Sa 14:14, tlb sa Rbi8; 1Ha 19:19) at isinasalin din bilang “tuwang” (Huk 19:3) at “pares” (1Sa 11:7). Malamang na ang tinutukoy na sukat ng lupain ay wala pang 0.4 ektarya (1 akre). Ang salitang iugerum, na masusumpungan sa Latin na Vulgate, ay tumutukoy naman sa sukat na 0.25 ektarya (0.62 akre).