TAGAPAGDALA NG BALUTI
Isang tagapaglingkod sa militar na tagabuhat ng baluti at mga sandata ng isang hari o isang lider, nananatili sa tabi niya sa panahon ng panganib, at sumusunod sa anumang ipag-utos niya. Ang “tagapagdala ng baluti” ay isinalin mula sa pananalitang Hebreo na no·seʼʹ ke·limʹ, literal na nangangahulugang “isa na nagdadala ng baluti o mga sandata.” (1Sa 14:6; ihambing ang 1Sa 14:1.) Maaaring ang tagapagdala ng baluti ng isang prominenteng mandirigma ang utusang pumatay sa mga kalabang nasugatan ng mandirigmang iyon. (1Sa 14:13) Ang mga tagapaglingkod na ito ay pinipili mula sa magigiting na kawal, at maliwanag na ang ilan ay naging napakatapat sa kanilang mga kumandante.—1Sa 14:6, 7; 31:5.
Nang masugatan si Abimelec nang malubha, inutusan niya ang tagapaglingkod na nagdadala ng kaniyang mga sandata na patayin siya upang huwag sabihin, “Isang babae ang nakapatay sa kaniya.” (Huk 9:52-54) Dating naglingkod si David bilang tagapagdala ng baluti ni Haring Saul. (1Sa 16:21) Ang isa pang naging tagapagdala ng baluti ni Saul ay tumangging pumatay sa naghihingalong tagapamahalang iyon at nagpatiwakal kasunod ni Saul. (1Sa 31:3-6) Nagkaroon din ng mga tagapagdala ng baluti sina Jonatan at Joab (1Sa 14:6-14; 2Sa 18:15; 23:37; 1Cr 11:39) at ang pangunahing mga mandirigma ng iba’t ibang sinaunang bansa, gaya ng higanteng Filisteo na si Goliat.—1Sa 17:7, 41.