BITINIA
Isang Romanong probinsiya sa hilagaang bahagi ng Asia Minor. Ito ay nasa isang lugar na ngayon ay HK Turkey, sumasaklaw sa gawing silangan mula sa Istanbul sa kahabaan ng timugang baybayin ng Dagat na Itim. Noong ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, nang sumama si Timoteo sa kaniya at kay Silas sa Listra, sinikap nilang maglakbay patungong Bitinia, ngunit “hindi sila pinahintulutan ng espiritu ni Jesus.” (Gaw 16:7) Hindi binabanggit na nangaral sa lugar na iyon ang mga apostol, ngunit maliwanag na may mga Kristiyano roon nang isulat ni Pedro ang kaniyang unang kanonikal na liham noong mga 62-64 C.E. (1Pe 1:1) Nang lumiliham si Pliny na Nakababata mula sa Bitinia sa Romanong emperador na si Trajan noong si Pliny ay isang pantanging komisyonado, binanggit niya na maraming Kristiyano sa probinsiya, anupat sinasabing noong pasimula ng ikalawang siglo, ang Kristiyanismo ay hindi lamang nasa mga bayan, kundi lumaganap na ito sa “mga nayon at mga distritong kabukiran din.”—The Letters of Pliny, X, XCVI, 9.