EGLON
[Maliit na Guya].
1. Isang hari ng Moab noong mga araw ng mga Hukom na naniil sa Israel sa loob ng 18 taon, “sapagkat ginawa nila ang masama sa paningin ni Jehova.” (Huk 3:12-25) Si Eglon ang pinakaulo ng kompederasyon ng Moab, Ammon, at Amalek noong salakayin nila ang Israel. Sumapit ang pagbagsak niya nang ang kaliweteng si Ehud, pagkatapos maghandog ng kaugaliang tributo, ay nagsabi: “Mayroon akong lihim na salita para sa iyo, O hari.” Pagkatapos paalisin ni Eglon ang kaniyang mga tagapaglingkod mula sa kaniyang preskong silid sa patag na bubong ng kaniyang palasyo, tumindig siya mula sa kaniyang trono upang pakinggan ang sinabi ni Ehud na “isang salita ng Diyos.” Nang magkagayon ay isinaksak ni Ehud sa napakatabang tiyan ni Eglon ang isang tabak na doble ang talim anupat “ang puluhan ay bumaon din kasunod ng talim,” at “ang dumi ay nagsimulang lumabas.” May kinalaman sa Hukom 3:22, sinabi ng Commentary ni Clarke: “Maaaring ang laman ng kaniyang bituka ay lumabas sa sugat o napadumi siya sa karaniwang paraan dahil sa takot at matinding sakit.”
2. Isang maharlikang Canaanitang lunsod na ang hari ay sumali sa isang kompederasyon laban sa Gibeon nang ang lunsod na iyon ay makipagpayapaan kay Josue at sa Israel. Pinatay ni Josue ang limang haring kasangkot, ibinitin sila sa mga tulos, at pagkatapos ay nilupig ang Eglon, anupat itinalaga sa pagkalipol ang mga tumatahan dito. (Jos 10:1-5, 22-27, 34, 35; 12:12) Nang maglaon ay ibinigay ito sa tribo ni Juda bilang bahagi ng kanilang teritoryo. (Jos 15:39) Ipinapalagay na ang orihinal na lokasyon nito ay nasa Tell el-Hesi, mga 25 km (16 na mi) sa SHS ng Gaza, at mga 11 km (7 mi) sa K ng lokasyon ng Lakis, sa gayon ay malapit sa gilid ng Kapatagan ng Filistia. Gayunman, ang sinaunang pangalan nito ay napanatili sa mga guho ng Khirbet ʽAjlan na mga ilang milya ang layo.