TUNTUNGAN
Isang mababang bangkô, dinisenyo upang magsilbing patungan o suporta para sa mga paa kapag nakaupo ang isang indibiduwal. Ang salitang Hebreo na keʹvesh ay minsan lamang lumitaw sa Kasulatan at ginamit may kaugnayan sa gintong tuntungan ng trono ni Haring Solomon. (2Cr 9:18) Ang pananalitang Hebreo naman na hadhomʹ ragh·laʹyim (sa literal, “tuntungan ng mga paa”) ay lumilitaw nang anim na ulit at ginagamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa templo (1Cr 28:2; Aw 99:5; 132:7; Pan 2:1), sa lupa (Isa 66:1), at sa mga kaaway na dudurugin ng pamamahala ng Mesiyas (Aw 110:1). Sinaway ni Santiago yaong mga nagpapakita ng pagtatangi-tangi sa loob ng kongregasyon, anupat ginamit niya ang ilustrasyon tungkol sa isang taong dukha na sinabihan: “Umupo ka riyan sa ilalim ng aking tuntungan.” (San 2:3) Ang lahat ng iba pang paglitaw ng salitang “tuntungan” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan o mga pagtukoy rito.—Mat 5:35; Gaw 7:49; “tuntungan ng iyong [o, para sa kaniyang] mga paa” sa Luc 20:43; Gaw 2:35; Heb 1:13; 10:13.