NIKNIK
[sa Heb., ken, pangmaramihan, kin·nimʹ; sa Gr., koʹnops; sa Ingles, gnat].
Alinman sa sari-saring uri ng maliliit na insektong may dalawang pakpak, na karamihan ay sumisipsip ng dugo. Ang salitang Hebreo na kin·nimʹ (o, kin·namʹ) na ginamit may kinalaman sa ikatlong salot na pinasapit sa Ehipto (Exo 8:16-18; Aw 105:31), ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “mga niknik” (NW, Ro, RS), “mga lamok” (AT), at “mga kuto” (KJ). Ang iba pang salin ay “sandflies” at “mga pulgas.”—AS (Exo 8:16, tlb).
Sa Isaias 51:6, ang terminong Hebreo na ken ay isinalin bilang “niknik” (NW) at “mga niknik” (RS; AS, tlb). Dito, maliwanag na ang ken ay pang-isahang anyo ng kin·nimʹ (o, kin·namʹ) at hindi ibang salitang Hebreo na katulad ang anyo ngunit nangangahulugang “tamang paraan, sa paraang ito, sa gayon.” Sa teksto, ang salitang nauna sa ken, ang kemohʹ, ay nangangahulugang “tulad” o “sa katulad paraan.”
Maliban dito, ang tanging pagbanggit ng Kasulatan sa niknik ay noong tuligsain ni Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo dahil sinasala nila ang niknik ngunit nilululon naman ang kamelyo. Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay metikuloso sa pagsunod sa maliliit na bagay, anupat sinasala nila ang kanilang iniinom upang huwag silang maging marungis sa seremonyal na paraan dahil sa paglulon ng isang niknik. (Lev 11:21-24) Gayunman, ang pagwawalang-halaga nila sa mas mabibigat na bagay ng Kautusan ay katulad ng paglulon ng isang kamelyo, na isang hayop na marumi rin sa seremonyal na paraan.—Lev 11:4; Mat 23:23, 24.