JESURUN
[Isa na Matuwid].
Isang titulong pandangal para sa Israel. Sa Griegong Septuagint ang “Jesurun” ay naging isang termino ng pagmamahal, anupat isinalin itong “minamahal.” Ang katawagang “Jesurun” ay dapat sanang nagpaalaala sa Israel sa pagkatawag dito bilang katipang bayan ni Jehova, samakatuwid ay sa pananagutan nito na manatiling matuwid. (Deu 33:5, 26; Isa 44:2) Sa Deuteronomio 32:15, ginagamit ang pangalang Jesurun sa kabalintunaan. Sa halip na mamuhay ayon sa pangalan nito na Jesurun, ang Israel ay naging suwail, iniwan ang Maylikha nito, at hinamak ang Tagapagligtas nito.