KAPATID NA BABAE, KAPATID
[sa Ingles, sister].
Sa Kasulatan, ang terminong ito ay ikinakapit sa tunay na mga kapatid na babae ng isang tao at sa kaniyang mga kapatid na babae sa ama o sa ina, alinman sa mga anak ng kaniyang ama ngunit hindi anak ng kaniyang ina (Gen 34:1, 27; 1Cr 3:1-9), o mga anak ng kaniyang ina ngunit hindi anak ng kaniyang ama, gaya sa kaso ng mga kapatid na babae ni Jesus.—Mat 13:55, 56; Mar 6:3.
Maliwanag na napangasawa ng ilang anak na lalaki ni Adan ang kanilang mga kapatid na babae, yamang ang buong sangkatauhan ay nanggaling kina Adan at Eva. (Gen 3:20; 5:4) Mas malapit pa sa isang kapatid na babae ang kaugnayan ni Eva sa asawa niyang si Adan, sapagkat siya ay ‘buto ng mga buto ni Adan at laman ng laman nito.’ (Gen 2:22-24) Noon, hindi kahiya-hiya ang pakikipag-asawa sa tunay na mga kapatid na babae o sa mga kapatid na babae sa ama o sa ina. Sinasabi ng ulat na pagkaraan ng mahigit sa 2,000 taon, napangasawa ni Abraham si Sara na kaniyang kapatid sa ama. (Gen 20:2, 12) Gayunman, pagkaraan ng mga 430 taon, ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang gayong pag-aasawa, anupat itinuring itong insesto. (Lev 18:9, 11; 20:17) Walang alinlangang habang lumalayo ang lahi ng tao sa orihinal na kasakdalan ni Adan, nagiging mapanganib ang pakikipag-asawa sa mga malapit na kamag-anak.
Saklaw ng salitang ‘kapatid na babae,’ sa mas malawak na paggamit nito, ang mga kababayang babae sa isang bansa. (Bil 25:17, 18) Ang mga bansa o mga lunsod na may malapít na kaugnayan sa isa’t isa o nagsasagawa ng magkakatulad na mga kaugalian sa moral ay inihalintulad sa magkakapatid na babae.—Jer 3:7-10; Eze 16:46, 48, 49, 55; 23:32, 33.
Ang salitang Hebreo para sa kapatid na babae (ʼa·chohthʹ) ay isinaling ‘ang isa’ (na lumitaw sa pananalitang “isa’t isa”) nang ilarawan ang pagkakaayos ng ilang parte ng mga bagay sa tabernakulo at sa mga pangitain ni Ezekiel.—Exo 26:3, 5, 6, 17; Eze 1:9, 23; 3:13.
Sa Kongregasyong Kristiyano. Itinuro ni Jesus na mas mahalaga ang espirituwal na mga kaugnayan kaysa sa mga kaugnayan sa laman. Yaong mga babae na gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama ay mga “kapatid na babae” na mas pinahahalagahan kaysa sa mga kamag-anak lamang sa laman. (Mat 12:50; Mar 3:34, 35) Ang isa na handang pumutol ng anumang kaugnayan sa lupa, kung kinakailangan, alang-alang sa Kaharian, ay tatanggap ngayon ng “sandaang ulit” na “mga kapatid na babae” at iba pang mga ‘kapamilya,’ bukod pa sa “buhay na walang hanggan” sa hinaharap. (Mat 19:29; Mar 10:29, 30; Luc 14:26) Ang mga babae sa kongregasyong Kristiyano ay tinatawag na mga kapatid na babae, sa espirituwal na diwa.—Ro 16:1; 1Co 7:15; 9:5; San 2:15.
Makasagisag na Paggamit. Pinasisigla ng pantas na manunulat na si Solomon ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa karunungan nang idiniriin niya ang kahalagahan ng mga utos ni Jehova. “Sabihin mo sa karunungan: ‘Ikaw ay aking kapatid na babae’; at ang pagkaunawa ay tawagin mo nawang ‘Kamag-anak na Babae.’”—Kaw 7:4.