DAWAG
[sa Heb., dar·darʹ; sa Gr. triʹbo·los; sa Ingles, thistle].
Alinman sa sari-saring mga halaman na ang mga dahon ay nakatutusok at di-pantay-pantay ang gilid, matitigas ang tangkay, at tinutubuan ng bilog o tulad-silindrong mga ulo na inuusbungan naman ng malalambot at malasutlang purpura, dilaw, o puting bulaklak. Kinailangan ni Adan, at nang maglaon ay ng kaniyang mga inapo, na makipagpunyagi sa mapanligalig na mga dawag nang binubungkal nila ang isinumpang lupa. (Gen 3:17, 18) Yamang ang mga binhi ng mga ito ay ikinakalat ng hangin, madaling tumubo ang mga dawag sa mga lugar na napabayaan at tiwangwang. (Tingnan ang Os 10:8.) Tinukoy ni Jesu-Kristo ang mga dawag nang ilarawan niya na ang mga tao, gaya ng mga halaman, ay makikilala sa kanilang mga bunga. (Mat 7:16) Sa Palestina, karaniwang makakakita ng maraming star thistle na tinatangay ng mga hangin ng taglagas at gumugulong nang kumpul-kumpol, isang larawan na marahil ay tinutukoy sa Awit 83:13 at Isaias 17:13.