Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Uzias”
  • Uzias

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Uzias
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Mayroon Ka Bang Espirituwal na Tagapayo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Kabataan​—Anong Buhay ang Gusto Ninyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Azarias
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tapat Pa Rin si Jotam Kahit Nagkaproblema ang Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Uzias”

UZIAS

[Ang Aking Lakas ay si Jehova].

1. Isang Kohatitang Levita; “anak” ni Uriel.​—1Cr 6:22-24.

2. Isang lalaki na ang anak na si Jonatan ay isang opisyal ni Haring David.​—1Cr 27:25.

3. Hari ng Juda, tinatawag ding Azarias. Bilang anak ni Amazias sa asawa nito na si Jecolias, si Uzias ay kinikilalang naghari nang 52 taon (829-778 B.C.E.). Nang panahong iyon, sina Jeroboam (II), Zacarias, Salum, Menahem, Pekahias, at Peka ang sunud-sunod na namahala sa hilagang kaharian. (2Ha 15:1, 2, 8, 10, 13, 14, 17, 23, 25, 27; 2Cr 26:3) Ang mga propetang sina Isaias (1:1; 6:1), Oseas (1:1), Amos (1:1), at marahil pati si Joel ay mga kapanahon ni Uzias. Nasaksihan noong paghahari ng haring ito ang isang napakalakas na lindol.​—Zac 14:5.

Pagkamatay ng kaniyang ama, ang 16-na-taóng-gulang na si Uzias ay ginawang hari ng bayan ng Juda. (2Ha 14:21; 2Cr 26:1) Ngunit ayon sa 2 Hari 15:1, si Uzias ay naging hari noong ika-27 taon ng Israelitang si Haring Jeroboam (II). Yamang dahil dito ay papatak ang pasimula ng pamamahala ni Uzias nang mga 12 taon pagkamatay ng kaniyang ama, malamang na tumutukoy ito sa ‘pagiging hari’ niya sa isang pantanging diwa. Maaaring noong ika-27 taon ni Haring Jeroboam, ang dalawang-tribong Judeanong kaharian ay pinalaya mula sa pagpapasakop sa hilagang kaharian, isang pagpapasakop na marahil ay nagsimula nang matalo ng Israelitang si Haring Jehoas ang ama ni Uzias na si Amazias. (2Cr 25:22-24) Kaya maaaring si Uzias ay naging hari sa ikalawang pagkakataon sa diwa ng pagiging malaya sa pamumuno ng Israelitang si Haring Jeroboam (II).

Ginawa ni Uzias ang “matuwid sa paningin ni Jehova.” Ito ay pangunahin nang dahil pinakinggan niya ang mabuting turo ng isang Zacarias (hindi ang propeta na may gayong pangalan na nabuhay nang dakong huli pa). Ngunit ipinagpatuloy ng kaniyang mga sakop ang di-wastong paghahain sa matataas na dako.​—2Ha 15:3, 4; 2Cr 26:4, 5.

Napabantog si Uzias dahil sa kaniyang mga tagumpay sa militar, na natamo sa tulong ni Jehova. Isinauli niya ang Elat (Elot) sa kaharian ng Juda at muling itinayo ang lunsod na iyon na nasa bukana ng Gulpo ng ʽAqaba. Matagumpay siyang nakipagdigma sa mga Filisteo, anupat sinira ang mga pader ng Gat, Jabne, at Asdod, pagkatapos ay nagtayo siya ng mga lunsod sa teritoryo ng Asdod. Nagtamo si Uzias ng mga tagumpay laban sa mga Arabe at mga Meunim, at ginawa niyang mga sakop ng Juda ang mga Ammonita. Ang kaniyang malakas at lubos na nasasandatahang hukbong pandigma ay umabot ng 307,500 katao sa ilalim ng pangangasiwa ng 2,600 ulo ng mga sambahayan sa panig ng ama. Pinatibay ni Uzias ang mga kuta ng Jerusalem at nagtayo siya roon ng mga makinang pandigma.​—2Ha 14:22; 2Cr 26:2, 6-9, 11-15.

Ang haring ito ay nagkaroon din ng malaking interes sa agrikultura at pag-aalaga ng mga hayop. Si Uzias ay humukay ng maraming imbakang-tubig upang maglaan ng sapat na suplay ng tubig para sa mga alagang hayop at nagtayo ng mga tore sa ilang, malamang na upang ipagsanggalang ang nanginginaing mga bakahan at mga kawan laban sa mga mandarambong. Ang mga gawain sa pagsasaka at pag-aalaga ng ubasan ay isinagawa sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa sa mga bundok at sa Carmel.​—2Cr 26:10.

Lumilitaw na ang kahanga-hangang mga tagumpay ni Uzias ay nagbunga ng pagiging palalo niya hanggang sa punto na pinasok niya ang Banal na silid ng templo upang magsunog ng insenso. Ang mataas na saserdoteng si Azarias, kasama ng 80 katulong na saserdote, ay kaagad na sumunod sa hari sa loob ng templo at pinagwikaan siya dahil sa di-matuwid na pagkilos na ito, anupat hinimok siya na lisanin ang santuwaryo. Habang hawak sa kaniyang kamay ang insensaryo para sa pagsusunog ng insenso at nagngangalit laban sa mga saserdote, si Uzias ay makahimalang kinapitan ng ketong sa kaniyang noo, sa gayon ay dali-dali siyang inilabas ng mga saserdote mula sa templo. Bilang isang maruming ketongin, si Uzias ay inihiwalay mula sa lahat ng pagsamba sa santuwaryo at hindi makagaganap ng mga tungkulin ng hari. Dahil dito, habang nananatili si Uzias sa isang bahay hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, ang kaniyang anak na si Jotam ang nangasiwa sa mga gawain ng estado.​—2Cr 26:16-21.

May kinalaman sa kaniyang kamatayan at libing, nag-uulat ang 2 Cronica 26:23: “Sa wakas si Uzias ay humigang kasama ng kaniyang mga ninuno; kaya inilibing nila siyang kasama ng kaniyang mga ninuno, ngunit sa libingang parang ng mga hari, sapagkat sinabi nila: ‘Siya ay ketongin.’⁠” Maaaring nangangahulugan ito na, dahil sa kaniyang ketong, si Uzias ay inilibing sa lupa ng isang parang na karugtong ng maharlikang sementeryo sa halip na ilagay sa isang libingang inuka sa bato.

Isang batong-apog na plake, na natagpuan sa Jerusalem at ipinapalagay na mula pa noong unang siglo C.E., ang nagtataglay ng sumusunod na inskripsiyon: “Dito dinala ang mga buto ni Uzias, hari ng Juda. Hindi dapat buksan.”​—LARAWAN, Tomo 1, p. 960.

4. Isang saserdoteng Levita mula sa “mga anak ni Harim” (1Cr 24:8; Ezr 2:36, 39) na kabilang sa mga nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga bilang pagsunod sa payo ni Ezra.​—Ezr 10:10, 11, 21, 44.

5. Isang inapo ni Juda sa pamamagitan ni Perez na ang “anak” na si Ataias ay nakatalang kabilang sa mga naninirahan sa Jerusalem noong panahon ni Nehemias.​—Ne 11:4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share