KANLURAN
Ibinibigay ng mga Hebreo ang direksiyon mula sa punto de vista ng isang tao na nakaharap sa silangan. Kaya naman ang kanluran ay nasa likuran nila at maaari itong ipahiwatig ng salitang Hebreo na ʼa·chohrʹ, nangangahulugang “sa likuran.”—Isa 9:12.
Kadalasan, ang “kanluran” (“sa gawing kanluran,” o “kanluranin”) ay tinutukoy ng salitang Hebreo na yam (nangangahulugang “dagat,” gaya sa Jos 1:4), maliwanag na dahil ang Mediteraneo, o Malaking Dagat, ay nasa direksiyong iyon mula sa Lupang Pangako. (Gen 28:14; Exo 10:19; 38:12; Bil 34:6; Zac 14:4) Kailangang isaalang-alang ang konteksto upang matiyak kung ang yam ay nangangahulugang “dagat” o tumutukoy sa kanluran.—Jos 15:8-12; 2Cr 4:2-4, 15.
Isa pang salitang Hebreo (ma·ʽaravʹ) ang ginagamit naman upang tumukoy alinman sa lubugan ng araw (Isa 43:5; 59:19) o sa kanluran. (1Cr 26:30; 2Cr 32:30) Ginagamit ito upang maitawid ang ideya ng napakalayong distansiya sa nakaaaliw na katiyakan na maawain si Jehova sa mga taong di-sakdal: “Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang.”—Aw 103:12.
Nang sabihin ni Jesus na marami ang darating “mula sa mga silanganing bahagi at mga kanluraning bahagi” upang humilig sa mesa sa Kaharian kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob, ang tekstong Griego sa Mateo 8:11 ay literal na nagsasabing “mula sa mga sikatan at mga lubugan.” Dito, ang salitang Griego na dy·smeʹ ay nauugnay sa direksiyong nilulubugan ng araw, samakatuwid nga, sa kanluran. (Int) Ang dy·smeʹ ay ginagamit din sa ibang mga teksto upang tumukoy sa kanluran.—Mat 24:27; Luc 12:54; 13:29; Apo 21:13.