Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Kung si Moises ay talagang maamo at mahinhin, papaano niya nagawang isulat sa Bilang 12:3 na ‘si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng tao’?
Bagaman hindi madaling gawin iyon, naaring maisulat ni Moises ang gayong tumpak na paglalarawan sapagka’t kinasihan siya ng Diyos na gawin iyon.
Ang isang tanda na ang Bibliya’y kinasihan ng Diyos ay ang pagkatahasang mangusap ng mga sumulat nito. Si Moises at ang iba pang ginamit ng Diyos sa pagsulat ng mga bahagi ng Kasulatan ay sumulat ng tungkol sa mga bagay na hindi sila nangiming ibunyag.
Halimbawa, si Moises ay sumulat tungkol sa mga kahinaan at mga pagkakasala ng kaniyang mga kababayan, pati na yaong sa kaniyang sariling kapatid. (Exodo 16:2, 3; 17:2, 3; 32:1-6; Levitico 10:1, 2) Hindi ipinuwera ni Moises ang kaniyang sarili; prangkahang inilahad niya ang kaniyang sariling mga pagkakamali, kahit na yaong humantong sa pagkasaway sa kaniya ng Diyos. (Bilang 20:9-12; Deuteronomio 1:37) Kaya’t tama naman na isulat ni Moises ang tungkol sa isang bagay na maliwanag na ibig ni Jehova na makasali—na si Moises mismo ay may pambihirang kaamuan. Ang konteksto nito ay may idinidiing punto. Imbis na magalit nang hamunin ni Miriam at ni Aaron ang kaniyang autoridad, si Jehova ang pinahintulutan ni Moises na magtuwid ng kalagayang iyon.
Si Moises ay lumarawan sa Mesiyas. (Deuteronomio 18:15-19) Kaya’t nang itawag-pansin ng Diyos na Jehova ang kaamuan ni Moises, Siya’y nagbibigay ng katiyakan na ang kanais-nais na katangiang ito ay makikita rin sa Mesiyas. Sa ating pagbabasa ng mga Ebanghelyo hindi ba kaakit-akit ang kaamuan ni Jesus, kaya tayo ay naaakit sa kaniya at nagbibigay sa atin ng dahilan na umasa sa kaniya?—2 Corinto 10:1; Hebreo 4:15, 16.
◼ Ano ang ibig sabihin ng mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 14:36: “Mula baga sa inyo lumabas ang salita ng Diyos, o hanggang sa inyo lamang nakarating ito?”
Sa simpleng pananalita, tinutulungan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto upang mapag-unawa na sila’y hindi dapat magpasok ng mga bagong paraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay sa kongregasyon. Angkop ang gayong payo, gaya ng mapapansin natin buhat sa isinulat sa kanila ni Pablo nang mas maaga.
Nang mga sinaunang araw ng Kristiyanismo, ang Diyos ay nagkaloob ng makahimalang kapangyarihan na gaya baga ng panghuhula at pagsasalita ng mga wika. (1 Corinto 12:4-11) Ang ganiyang mga kaloob ay ginamit ng mga ibang taga-Corinto sa di-tamang paraan na ang resulta’y kaguluhan. Halimbawa, sila’y nagsalita ng mga wika samantalang walang sinuman doon na makapagsasalin niyaon upang maunawaan ng mga naroroon. Ang ikinatuwiran ni Pablo, “Papaanong ang taong nakaupo sa upuan ng karaniwang tao ay makapagsasabi ng ‘Amen’ . . . kung hindi niya alam kung ano ang sinasabi mo?” Baka ang mga naroroong di-sumasampalataya ay mag-isip pa na ang mga nagsasalita ng mga iba’t-ibang wika ay nababaliw.—1 Corinto 14:13-16, 22, 23.
Kaguluhan nga ang resulta pagka ang iba’y sabay-sabay na nangagsasalita. Ang payo ni Pablo, “kung may magsasalita sa ibang wika, hayaang ang magsalita’y dalawa o tatlo ang pinakamarami na, at may kani-kaniyang turno.” Para naman sa mga kinasihan ng espiritu upang manghula, gawin nila ito sa limitadong paraan at “nang isa-isa.” Dapat na magkaganito sapagka’t ang Diyos ay Diyos ng kapayapaan, hindi ng kaguluhan.—1 Corinto 14:27-33.
Waring noon ay may problema rin sa mga babaing nagsasalita sa mga pulong. Siguro’y hindi lamang problema iyon sa pagsagot sa tanong o sa paglalahad ng karanasan. Marahil may mga babaing kumikilos na parang mga tagapagturo at nakikipagtalo sa mga kapatid na lalaki sa mga pulong. Labag iyon sa simulain ng pagkaulo.—1 Corinto 14:34, 35.
Kaya’t si Pablo ay sumulat: “Ano? Mula baga sa inyo lumabas ang salita ng Diyos, o hanggang sa inyo lamang nakarating ito?” (1 Corinto 14:36) Oo, ipinayo niya sa mga taga-Corinto na alalahaning hindi ang kanila ang unang-unang kongregasyon at na ang “salita ng Diyos” ay hindi lamang sa kanila ipinangaral. Kung gayon, isang pagkakamali na gawin nila ang mga bagay-bagay ayon sa paraan na ibang-iba sa paraan ng lahat ng kongregasyon. Wala silang karapatan na magpasok ng mga pagbabago na banyaga sa kongregasyong Kristiyano at labag sa mga simulaing may kinalaman sa kapayapaan at pagkaulo.