Paglapastangan sa Pangalan ng Diyos—Ang Hindi Paggamit Nito
MAAWAING nakitungo si Jehova sa mga tao ng Israel alang-alang sa kaniyang sariling pangalan, upang iyon ay huwag malapastangan sa gitna ng mga bansa. (Ezekiel 20:9, 13, 14, 22) Ngunit, sumapit ang panahon na hindi na ginamit ng mga Israelita ang pangalan ng Diyos, kaya sa wakas ay hindi na alam ang pagbigkas nito. Ang maling paggamit na ito sa pangalan ng Diyos ay katulad na rin ng paglapastangan dito.
Tungkol dito, si R. Laird Harris ay nagpahayag: “Kataka-taka nga na ang sinaunang bigkas sa pangalan ng Diyos ng Israel ay lubusang nawala. Ang pananampalataya ng Israel ang tanging karapat-dapat na sinaunang pananampalataya. Ito ang unang-unang monoteismo sa daigdig at tanging sinaunang pananampalataya na naging tunay na pandaigdig na relihiyon. Ito’y pambihira sapagkat ito’y lubusang espirituwal at walang larawan ng diyos. Ito’y pambihira rin, dahil sa kasamaang palad, sa pagwawala nito ng bigkas ng pangalan ng diyos. Ang situwasyon ay kataka-taka nga at marahil ay hindi nakini-kinita ng taimtim na mga tao na nag-aakalang hindi sila dapat mangahas na bigkasin ang walang katulad na pangalan dahil sa baka nila malapastangan iyon. Ang resulta ay wari ngang isang paglapastangan na napapaiba. Ang hindi paggamit ng pangalan ng Diyos ay wari ngang paglapastangan dito gaya rin ng maling paggamit sa Pangalan. Subalit maliwanag ang mga pangyayari. Ang sinaunang mga Hebreo, natural nga, ang bumigkas at sumulat ng pangalan ng Diyos.”—The Law and the Prophets, editado ni John H. Skilton, Nutley, New Jersey, 1974, pahina 215.
Batid ng mga Israelita na kung kanilang kalilimutan ang pangalan ni Jehova, ang Diyos mismo ang “magsisiyasat nito.” (Awit 44:20, 21) Kaya naman, nang mangyari ito, kaniyang “binalingang-pansin ang mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Bagaman hindi natin eksaktong alam sa ngayon kung paano bibigkasin ang banal na pangalan sa Hebreo, ang isang angkop at hustong pagkasalin sa Tagalog ng Tetragrammaton (ang apat na katinig Hebreo na kumakatawan sa pangalan) ay Jehova. Sa ngayon, mahigit na tatlong milyong tao ang kilala bilang mga Saksi ni Jehova, at sila’y nagagalak na taglayin ang pangalan ng kanilang Diyos at makilala kaugnay nito.