Ang Pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo—Hindi Katha Lamang
ANG pag-uulat baga ng Bibliya ng pagkabuhay-muli ni Jesus ay imbento lamang? Kamakailan ang International Herald Tribune ay nag-ulat tungkol sa isang pagsusuri na ginawa ng isang Judiong manunulat na nagngangalang Pinchas Lapide. Ang kaniyang konklusyon? Ang pagkabuhay-muli ay hindi katha lamang.
Maraming bagay ang umakay kay Lapide sa konklusyong ito. Unang-una, iniulat ng Ebanghelyo na tatlong babae ang dumalaw sa puntod ni Jesus at nakita nila na iyon ay walang laman. Subalit noong sinaunang mga panahon, ang mga babae ay “itinuturing na hindi nagbibigay ng mapanghahawakang patotoo,” ang sabi ng ulat ng Tribune. Oo, ang sariling mga alagad ni Jesus ay hindi naniwala sa mga babae! Kaya naman malamang na ang gayong istorya ay kusang inimbento.
Binanggit din ni Lapide ang matinding epekto ng pagkabuhay-muli ni Jesus sa Kaniyang mga alagad. Dati sila’y isang grupo ng mga lalaki na kimi kung kaya kanilang pinag-íwanan si Jesus nang siya’y dakpin, sila’y “nagbago sa loob nang magdamag at naging isang lipunan na nagtitiwala sa isang misyon, kombinsido sa kaligtasan.” Ang Tribune ay nag-uulat tungkol sa pangangatuwiran ni Lapide: “Walang pangitain o halusinasyon ang sapat upang ipaliwanag ang gayong biglang pagbabago.”
Sa wakas, nariyan ang sabi-sabi na ninakaw lamang ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang bangkay. Ganito ang tugon ni Mr. Lapide: “Papayagan ba ng mga manggagantso na sila’y pahirapan at pag-usigin sa ngalan ng isang guni-guni lamang, hanggang sa maligayang pagmamartir?” Bagamat si Mr. Lapide ay hindi nag-aangking nananampalataya kay Jesus bilang ang Mesias, siya’y walang gaanong duda na totoo ang ibinalita ng isang anghel dalawang libong taon na ngayon ang lumipas: ‘Si Kristo ay binuhay-muli.’—Mateo 28:6.