Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Nagdudulot ng Kapurihan kay Jehova ang Pagkamapagtapat
KAHILINGAN ni Jehova na ang kaniyang mga lingkod ay maging mapagtapat, makatarungan, at mapagkakatiwalaan. Halimbawa, si Moises ay pinayuhan na pumili ng mga tagapangasiwa na “may-kakayahang mga lalaki, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaang mga lalaki, na mga napopoot sa sakim na pakinabang.” (Exodo 18:21) Tulad ng mga piniling lalaking iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay kilala bilang mga mapagkakatiwalaan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
◻ Isang Saksi na nagtatrabaho sa tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Ghana ang binayaran nang labis ng isang nagkamaling kahero ng bangko ng halagang $3,630. Ang pagkakamali ay hindi napansin ng kahero o ng kapatid na ito noong mga sandaling iyon. Subalit, nang makarating siya sa tahanan, napansin ng kapatid na siya’y binigyan ng labis-labis na halaga kaya agad na bumalik siya sa bangko dala ang salapi. Nang makita ng kahero ang kapatid, siya’y bumulalas: “Narito siya! Talagang bumalik siya! David, dala ng tauhan mo ang salapi!” Ang salapi ay ibinalik sa kahero. Si David, na isa sa mga Saksi ni Jehova na nagtatrabaho sa bangko ring iyon, ang nagbigay ng kasiguruhan sa kahero at sa mga iba pa na nakaalam ng pagkakamaling iyon na ang salapi ay ibabalik sa sandaling madiskubre ng kapatid ang pagkakamali.
“Samantalang nagaganap ang dramang ito,” ang sabi ng report, “lahat ng mga mata” ay nakapako sa dalawang magkapatid. Yaong isa na nagsauli ng salapi ay nagsabi: “Aba, hindi ko maitatago ang perang ito at magkaroon pa rin ng isang mabuting budhi sa harap ng aking Diyos, si Jehova.” Ang insidenteng ito ay nakaragdag pa ng respeto sa mga opisyales ng bangko sa Watch Tower Society.
Ang pagkamapagtapat ay umaani ng paggalang, lalo na sa isang daigdig na punô ng pandaraya. Batid ng kapatid na ito na siya’y magsusulit sa isang nakatataas kaysa tao, si Jehovang Diyos. Ang gayong pagiging mapagtapat ay nagdadala ng kapurihan kay Jehova, sapagkat siya ay “isang Diyos ng pagtatapat, na sa kaniya ay walang kalikuan.”—Deuteronomio 32:4.
◻ Ang pagiging mapagtapat at pananatiling may mabuting budhi sa harap ng Diyos ay mapapansin din sa isang karanasan ng isang kabataang lalaki sa Thailand. Siya’y sumuskribe sa Ang Bantayan at Gumising! at nagsisimula na ng pagkakapit ng payo ng Bibliya na nasa mga magasing ito. Siya ang chief accountant ng kompaniyang pinagtatrabahuan niya, at siya’y sinimulang gambalain ng kaniyang budhi, palibhasa’y kaugalian na para sa maraming mga negosyo na mag-ingat ng dalawang klase ng mga rekord upang makaiwas sa mga buwis. Nang siya’y lumapit sa manedyer tungkol sa bagay na ito, nagtawa lamang ang manedyer. At mayroong isa pa uling artikulo na napalathala sa isa sa mga magasing ito at nagdiriin na kailangan na ang isa’y maging mapagtapat. Naligalig ang budhi ng accountant, kaya naman siya’y nanalangin kay Jehova na tulungan siya na maituwid ang suliraning ito tungkol sa buwis sa kaniyang manedyer. Isang malaking halaga ng salapi ang nasasangkot. Kinabukasan humingi siya ng pahintulot sa manedyer na bayaran ang kaukulang mga buwis, at sa laki ng kaniyang pagtataka, sumang-ayon ang manedyer nang walang anumang pagtutol.
Ngayon ang taong ito ay maligaya palibhasa’y siya’y namumuhay nang malinis sa harap ng Diyos at ng tao. Ang ganiyang matalinong hakbang ay nagpapaligaya rin kay Jehova, sapagkat gaya ng sinasabi ng Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”
[Larawan sa pahina 21]
“Hindi ko maitatago ang perang ito at magtaglay pa rin ng isang mabuting budhi”