Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 9/1 p. 30-31
  • Isang Pambihirang Tagumpay Para sa Costa Rica

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pambihirang Tagumpay Para sa Costa Rica
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 9/1 p. 30-31

Isang Pambihirang Tagumpay Para sa Costa Rica

“GINAGAWA ninyo ang aming napag-aralan pa lamang!” ang sabi ng isang arkitekturang inhinyero na naparoon upang tingnan ang bagong sangay na itinatayo noon pitong milya (11 km) sa labas ng San José, Costa Rica.

Ano kaya ang totoong pambihira tungkol sa mga gusaling ito? Ang mga ito’y itinayo sa pamamagitan ng pamamaraang tilt-up​—ang kauna-unahan sa Costa Rica. Ang pundasyon at mga haligi ang unang itinayo. Pagkatapos, sa mismong kinatatayuan, ang kongkretong mga parte ng dingding ay minolde nang patung-patong ang pagkasalansan. Ang mga parteng ito ng dingding na iminolde na ay saka hinahatak na pataas ng isang derik at inihihinang sa kani-kanilang lugar. Sa wakas, ang bubong ay isinunod, at lahat ng natitira pa na dapat gawin ang naging pantapos na mga detalye.

Ang proyektong ito ang siya ring unang pagtatangka ng Samahang Watch Tower na magtayo ng isang gusali sa pamamagitan ng pamamaraang tilt-up sa labas ng Estados Unidos. Kaya naman, mga tauhan ng mga iba’t ibang sangay na nagpaplanong magtayo o magpalawak ay naroroon upang magmasid kung paano gumagana ang pamamaraang iyon. Naroon din ang mga inhinyero at mga arkitekto ng iba’t ibang kompaniya. Lahat ay humanga sa kanilang nakita.

Ang mga gusali ay niyari ayon sa kaakit-akit na istilong Kastila noong panahong kolonyal, ang bubong ay baldosang pula at paarko ang mga bintana. Ang driveway sa palibot ng isang pabilog na halamanan ay patungo sa malaking entrada at pinaka-balkonahe. Nasa gawing kanan ang dalawang-palapag, 24-na-kuwartong gusaling tirahan na may isang malaking kuwartong pampamilya na kinaroroonan ng aklatan, mga dakong aralan, at isang kaakit-akit na apuyan. Konektado rito ang isang 100-upuang silid-kainan, at isang modernong kusina at londri. Nasa kabilang panig ng looban ang gusaling opisina na may 13 indibiduwal na mga opisina at isang kuwartong para sa komperensiya na napalilibutan ng tropikal na halamanan na lampas-lampasan ang hangin sa ilalim ng silag na bubong. Ang malaking gusali sa gawing kaliwa ang pinaka-bodega para sa literatura at iba pang mga gamit.

Lahat ng naparoong bisita ay humanga sa kanilang nakita. Paulit-ulit na narinig ang ganitong mga komento: “Anong husay na uri ng trabaho!” “Ngayon lamang ako nakakita ng ganitong kaganda!” “Maliwanag na ito’y isang gawa ng pag-ibig.”

Oo, lahat na ito’y nangyari dahilan sa “gawa ng pag-ibig.” Mahigit na 4,700 mga kapatid, lalaki at babae, kasali na ang 295 buhat sa mga ibang bansa, ang gumawa sa loob ng 24 na buwan sa proyektong iyon. Marami sa mga gamit at materyales ang ginawa roon mismo. Halimbawa, sa pasimula pa lamang isang dalawang-palapag na panghakot paitaas, na Julio ang palayaw, ang ginawa. Mga panghalo ng semento na tinatawag na Bertha at Martha ang binili at inayos para sa proyektong iyon. Mga lampara, gamit sa instalasyon ng ilaw, mga rehas na bakal, Palladian na mga hagdang marmol at mga tuntungan, at iba pa, ang pawang ginawa ng mga kapatid na wala namang pantanging karanasan sa mga bagay na ito. “Pambihira ang sigla sa proyektong ito ng mga kapatid na tagarito sa bansang ito,” ang sabi ng tagapamanihala ng proyekto.

Ang tugatog ng kasiglahan ay nasaksihan noong Enero 4, 1987, nang 13,111 ang dumalo sa dedikasyon. Ang balkonahe sa gawing hilaga ng kuwarto ng pamilya ay ginamit bilang isang entablado at ang mga tao ay doon nagtipon sa maluwang na looban sa ibaba. Si Brother M. G. Henschel at L. A. Swingle ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang prinsipal na mga tagapagsalita sa programa. Ang masiglang pahayag ni Brother Swingle ay may temang “Patuloy na Pinalalago Ito ni Jehova,” at sa pahayag sa dedikasyon, tinulungan ni Brother Henschel ang lahat doon upang maunawaan na ang isang magandang gusali ay mapapakinabangan ng mga lingkod ni Jehova tangi lamang kung sila’y patuloy na magsisibol ng bunga ng kaniyang espiritu.

Nagkasama-sama sa pantanging okasyong ito ang mga miyembro ng unang pamilya ng mga misyonero sa Gilead sa Costa Rica. Ngayon sila’y matatanda na, at lubhang naantig ang kanilang damdamin ng reunion na ito at ng nakikitang ebidensiya ng saganang pagpapala ni Jehova sa pangangaral ng Kaharian sa Costa Rica noong lumipas na mga taon. Dahil sa kahanga-hangang paglalaan ng gayong malawak, komportable, at mainam na tahanan, lahat ng naroroon ay nagtitiwala na ang pangalan ni Jehova ay higit pang dadakilain sa bansang ito sa tropiko.

[Mga larawan sa pahina 31]

Isang iminolde nang parte ng dingding na hinahatak-paitaas . . . at inilalagay sa lugar

Pabilog na driveway na patungo sa gusali na istilong Kastila noong panahong kolonyal

Isang bahagi ng masiglang pulutong noong araw ng dedikasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share