Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/1 p. 30-31
  • Mainam na Pagsulong “Sa Kabila pa Roon ng Kabundukan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mainam na Pagsulong “Sa Kabila pa Roon ng Kabundukan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/1 p. 30-31

Mainam na Pagsulong “Sa Kabila pa Roon ng Kabundukan”

ANG Haiti ang unang republika ng mga itim sa Kanluran na nagkamit ng kasarinlan. Ang pangalan nito ay galing sa wika ng mga Arawak Indian at ang ibig sabihin ay “kabundukan.” Oo, may isang matandang kawikaang Creole na nagsasabi: “Sa kabila pa roon ng kabundukan ay mga bundok.” Ito ay isang magandang paglalarawan sa mga lalawigan ng Haiti.

Nang kalilipas na mga taon isang bagay na kapuna-puna ang nagaganap dito “sa kabila pa roon ng kabundukan.” Dumarami ang tumutugon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at nanindigan sa panig ni Jehova at ng kaniyang hinirang na Hari. (Isaias 60:22) Noong 1980 sa katamtaman ay mayroong halos 3,000 mamamahayag ang nag-uulat ng paglilingkod sa larangan bawat buwan, at ang tanggapang sangay sa kabiserang lunsod ng Port-au-Prince ay naging totoong maliit upang makapag-asikaso ng kanilang pangangailangan. Kailangan ang mga bagong solar. Kaya’t noong Nobyembre 1984 ay sinimulan ang pagtatayo ng isang bagong pasilidad sa Santo, isang magandang lokasyon sa labas ng Port-au-​Prince.

Una ang solar ay kailangang bakuran ng 1,200-metrong-habang pader. Isang lokal na kompaniya ang gumawa ng kongkretong mga entrepanyo para sa pader na ito, ngunit lokal na mga Saksi ang inupahan, at maraming mga boluntaryo ang nagtrabaho sa mga dulo ng sanlinggo, upang matapos ang proyekto. Pagkatapos ay pinasimulan ang pagtatayo ng gusali, at sa loob ng tatlong taon, may isang daang boluntaryo buhat sa mga kongregasyon sa Port-au-Prince ang tumulong kung mga dulo ng sanlinggo. Mga miyembro ng International Volunteer Construction Worker Program ang nanggaling sa Estados Unidos, Canada, at iba pang mga bansa​—marami ang naparoon sa kanilang sariling gastos​—​upang tumulong.

Habang nagaganap ang pagtatayo, nagkaroon ng isang di-inaasahang problema. Sa isang panig ng solar, ay mayroong isang bangin. Kung tag-ulan, ang bangin ay binabahaan ng tubig na nanggagaling sa ilog, at lumilikha ng matinding pagkaagnas. Sa bandang huli ito ay magiging sanhi ng pagguho ng pader sa lugar na iyon. Kaya’t nagtayo ng isang pumipigil na pader doon mismo sa lugar ng ilog, at ang bahaging iyon ay protektado na ngayon buhat sa bumabahang tubig kung panahon ng tag-ulan.

Sa tulong ni Jehova, isang magandang pasilidad ang sa wakas ay natapos. Ang sangay ay isang korteng-U na gusaling kongkreto at hollow blocks. Ang kaliwang panig ay may walong silid-tulugan, isang londri, at isang aklatan. Nasa gawing kanan ang bodega ng literatura. Sa harap ng gusali, isang maluwag na lobby ang nagsisilbing tuluyan ng mga kapatid na nanggagaling sa iba’t ibang panig ng bansa sa iba’t ibang panahon sa buwan-buwan upang kumuha ng mga magasin at literatura para sa kani-kanilang kongregasyon. Nasa harapan din ang mga opisina, silid-kainan, at kusina.

Bukod sa tanggapang sangay, isang bagong Assembly Hall na may humigit-kumulang 3,000 upuan ang itinayo rin sa solar na iyon. Dalawang panig ng bulwagan ang bukás upang yaong mga nakaupo sa loob ay palaging presko dahil sa pumapasok na hangin​—na nagdudulot ng ginhawa buhat sa mainit na sikat ng araw sa Haiti. Mayroon ding isang moderno, kompleto sa gamit na kusina at mga pasilidad para sa pagsisilbi ng pampalamig, at isang bautismuhang pool at isang talyer sa karpinterya. Maganda ang paisahe ng buong paligid na natatamnan ng tropikal na mga halaman at mga bulaklak.

Nang may pasimula ng 1987, ang bilang ng mga Saksi “sa kabila pa roon ng kabundukan” ay sumulong at umabot sa mahigit na 4,700. Anong sayá para sa lahat ng mga ito na magtipun-tipon noong Enero 25, 1987, para sa dedikasyon ng dalawang magagandang gusaling ito! Ang ilang mga banyagang kapatid na nagtrabaho nang mas una sa proyektong ito ang nagsibalik kasama ang kani-kanilang pamilya upang makibahagi sa kasayahan.

Ang programa ng dedikasyon ay nagsimula maaga sa hapon na kung saan iba’t ibang miyembro ng Branch Committee ang nagpaliwanag tungkol sa lubhang pangangailangan ng mga bagong gusali dahilan sa mabilis na pagsulong na nagaganap sa Haiti. Pagkaraan ng maikling intermisyon, ang 5,384 na dumalo ay nakapanood ng ipinalabas na mga slide tungkol sa iba’t ibang yugto ng pagtatayong iyon.

Sa wakas, ang pahayag sa dedikasyon ay ginawa ni Charles Molohan, isang dumadalaw na tagapangasiwa ng sona buhat sa Brooklyn, New York. Binanggit ni Brother Molohan ang kahalagahan ng pagtatayo para sa tunay na pagsambang Kristiyano. Kaniyang tinalakay kung paanong si Noe at ang kaniyang sambahayan ang kabilang sa mga unang mga tagapagtayo, at ang kanilang tapat na pagtapos sa gawaing iniatas sa kanila ay nagdulot ng kaligtasan para sa sambahayan ng tao, pati na rin ang pagpapatuloy ng tunay na pagsamba rito sa lupa. Ang isa pang sinaunang proyekto sa pagtatayo ay ang templo ni Herodes, subalit ito’y nawasak sa wakas dahilan sa hindi ginamit sa tunay na pagsamba. (Mateo 23:38) Sa ngayon, tayo’y kailangang maging abala sa pagtatayo ng pananampalataya at iba pang mga katangiang Kristiyano kung ibig nating maiwasan ang ganoon ding pangyayari.

Tunay na iyon ay isang okasyong nakapagpapasigla at may kagalakan. Pagkatapos niyaon, lahat ng dumalo ay nagsibalik sa kani-kanilang tahanan sa pagkaalam na ang bagong pasilidad na ito sa lupain “sa kabila pa roon ng kabundukan” ay patuloy na gaganap ng mahalagang bahagi sa pagtitipon sa mga tunay na mananamba sa panig na ito ng Caribbean.

[Mga larawan sa pahina 31]

Bista ng Assembly Hall (itaas sa gawing kanan) at ng bagong sangay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share