Buhat sa Pagkaalipin sa Paggawa ng Ladrilyo Hanggang sa Kalayaan!
Ang mga piramide ng Giza (malapit sa modernong Cairo) ay nagpapagunita ba sa iyo ng pinagmamalupitang mga alipin na puspusang gumagawa sa silong ng isang nagbabagang araw upang hakutin sa isang lugar ang pagkalalaking mga bato? At naguguniguni mo ba ang mga aliping Hebreo na kabilang sa mga iyan?
Sa aktuwal, ang mga piramideng Ehipsiyo na makikita sa kasunod na pahina ay umiiral na bago pa nang panahon na ang sambahayan ng ama ni Jose na si Jacob (o, Israel) ay lumipat sa Ehipto. Subalit higit na palasak kaysa pagtatayo sa pamamagitan ng paggamit ng pagkalalaking bato ay ang paggamit ng mga ladrilyo, anupa’t angaw-angaw na mga ladrilyo ang nagagawa sa silong ng nagbabagang araw na iyan.
Ang mga Hebreo na tinanggap naman sa Ehipto noong panahon ni Jose ay pinarami ng Diyos, kaya naman nagdulot ito ng pangamba sa mga Ehipsiyo. Ating mababasa: “Kaya’t naglagay sila [sa mga Hebreo] ng mga tagapagpaatag upang dalamhatiin sila sa atang sa kanila; at sila’y humayo ng pagtatayo ng mga lunsod...Ang mga anak ni Israel ay malupit na inalipin ng mga Ehipsiyo. At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod bilang mga alipin sa paggawa ng argamasa at mga ladrilyo.”—Exodo 1:7-14.
Sa gawing kanan, makikita mo ang mga ladrilyo na ginagawa pa rin sa Ehipto, ang iba ay niluluto sa mga hurno tulad ng makikita rito. (Ihambing ang Genesis 11:1-3; 19:28.) Gayunman, maliwanag na ang karamihan ng mga ladrilyo ng sinaunang mga Ehipsiyo ay sa araw niluluto. Ang umiiral pa rin hanggang ngayon ay ang paggamit ng dayami sa paggawa ng mga ladrilyo. Makikita ang mga dayami sa mga ladrilyong natagpuan nang hukayin ang mga kaguhuan ng sinaunang Beer-sheba (sa kalakip na larawan).
Ang pagdaragdag ng dayami ay nakapagpapatibay sa mga ladrilyo. Upang magawa ito, ang putik (o luwad), tubig, at dayami ay marahang tinatapakan ng paa, pagkatapos ay pinipikpik at hinuhubog, at sa katapus-tapusan ay ibinibilad upang matuyo. Gunigunihin lamang ang gayong puspusang paggawa sa maghapong araw sa araw-araw. Tiyak iyan, mauunawaan mo kung bakit ang mga Israelita ay ‘nagbuntong-hininga dahil sa pagkaalipin at kanilang ibinulalas ang kanilang mga karaingan, kaya ang kanilang paghihinagpis sa paghingi ng tulong ay patuloy naman na nauulinigan ng tunay na Diyos.’—Exodo 2:23.
Sila’y dininig ni Jehova at kaniyang isinugo si Moises kay Faraon upang hilinging palayain ang mga Israelita. Sa halip, ang kanilang pasanin ay lalo lamang pinabigat ng hambog na si Faraon. Ngayon ay sila na ang kailangang manguha ng kanilang sariling dayami at patuloy pa rin ng paggawa ng mga ladrilyo ayon sa itinakdang bilang sa kanila gaya ng dati. Aba, ito’y mistulang isang sentensiyang kamatayan! Sinabi ng Diyos: “Ngayon ay makikita ninyo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay kaniyang payayaunin sila.”—Exodo 5:1-6:1.
Marahil alam mo na kung ano ang nangyari. Nagawa ni Jehova na magapi ang maniniil na Faraon. Pagkatapos ng ikasampung salot, pinangyari ng Diyos na ‘mailabas sa lupain ng Ehipto ang mga anak ni Israel.’ (Exodo 12:37-51) Pagkatapos na lisanin ang mga piramide, ang mga ladrilyo, at ang malupit na pang-aalipin, ang Israel ay naglakbay patungo sa Lupang Pangako. Ang ganiyang makasaysayang mga katibayan ay dapat magbigay sa atin ng katiyakan ng kapangyarihan ng Diyos na Jehova na maglaan ng tunay na kalayaan para sa mga Kristiyano sa dumarating na bagong sanlibutan, na may makalupang Paraiso.—Ihambing ang Roma 8:20, 21.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 31]
[Picture Credit Line sa pahina 2]
Photos, pages 30, 31: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.