Lipás Na ba ang Pagkamatapat?
ANG pagtataguyod sa pagkamatapat bilang isang paraan ng buhay—iyan ba ay lipás na sa modernong daigdig, abandonado na bilang hindi na praktikal o may anumang tunay na halaga? Parang gayon nga. Pag-isipan lamang ang mga ilang halimbawa ng kung gaano kalaganap ang pandaraya, ang mga kaanyuan nito, ang lawak ng narating nito, at kung gaano kagastos ito.
Noong nakalipas na mga taon, ang nalugi sa Kanlurang Alemanya dahil sa mga pandaraya sa buwis ay tinataya na $10 bilyon (U.S.) isang taon, at sa Sweden ang taunang kalugihan ay umaabot sa $720 (U.S.) bawat tao. Kaya kung ikaw ay namumuhay sa alinman sa dalawang bansang iyan, apektado ng pandaraya ang iyong ibinabayad bilang buwis. Ang pandaraya sa pagbabayad ng buwis sa kinikita ay totoong malaganap sa Estados Unidos kung kaya’t ang gobyerno ay nalulugi ng tinataya na $100 bilyon bilang kita sa taun-taon. Isip-isipin ang maitutulong ng lahat ng salaping iyan sa pagbabayad ng gastos sa pagkalaki-laking kakapusan sa badyet ng gobyerno pederal! Isa pa, ang ilegal na mga negosyo ay dumaraya sa gobyerno ng E.U. upang makamkam ang isa pang $10 bilyon. Dahil sa pang-uumit at pangungupit sa Estados Unidos ang mga tindahan ay nalulugi ng $4 na bilyon isang taon, kaya itinataas ang halaga ng mga kalakal. Ang pagdaraya na anupa’t ang long distance na mga tawag sa telepono ay inilalagay sa kargo ng numero ng iba kung kaya nalulugi ang mga Amerikano ng $1 milyon taun-taon.
Sa Canada dahil sa mga “time bandit,” yaong nag-aaksaya ng panahon sa trabaho, ang mga may patrabaho ay nalulugi ng $15 bilyon (Canadian) isang taon, “mahigit na tatlong beses ang dami sa lahat-lahat na nawawala dahil sa mga empleadong nagdaraya, dumidispalko, nagdaraya sa seguro, bandalismo, kickbacks, panununog at iba pang aktuwal na mga krimen laban sa negosyo.” Ayon sa isang pag-aaral noong 1986, ang nalulugi sa mga nagnanakaw ng oras sa Estados Unidos ay $170 bilyon taun-taon.
Ang matagumpay na multi-milyong-dolyar na kompanya ay may kasakimang nagnanakaw sa kanilang sariling mga gobyerno. Paano? Sa pamamagitan ng pagbibenta sa kanila ng mga kasangkapan at mga partes nito sa sobra-sobrang presyo: 12-cent na mga liyabeng allen sa halagang $9,606 (U.S.); 67-cent na mga transistor sa halagang $814; 17-cent na mga plastic cap para sa mga paa ng bangkô sa halagang $1,118. “Ang tinutukoy mo’y humigit-kumulang bilyung-bilyong dolyar” na kalugihan sa gobyerno, ang sabi ng isang senador ng E.U.
Karagdagan sa mga nabanggit, nariyan ang masasamang halimbawa sa magkabi-kabila ng prominenteng mga tao na sumisira ng loob sa pagsunod sa pagkamatapat. Marahil napupuna mo, ang mga lider sa mga ilang bansa ay nagsisinungaling, maling kumakatawan, nagtatakipan, at umiiwas sa kanilang pananagutan—oo, pinapaslang pa mandin nila ang kanilang mga karibal sa pulitika at pinagtitingin nila na mayroong iba na gumawa niyaon.
Kaya naman lipás na ba ang pagkamatapat? Hindi na baga ito ang pinakamagaling na patakaran? Ang pagkamatapat ba ay pinakamagaling dahil lamang sa sinasabi ng Salita ng Diyos na tayo’y maging matapat? Ang sumusunod na artikulo ay mahalaga sa iyo kung ibig mong masagot ang mga tanong na ito.